TATLONG taon matapos bumaba sa pwesto, tuluyan nang inaresto si former President Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity na isinampa ng naulilang pamilya ng mga biktima ng madugong giyera kontra droga.
Sa isang kalatas, kinumpirma na rin ng Palasyo ang pagdakip kay Duterte sa bisa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kung saan isinampa ang reklamo.
Dakong alas 5:00 pa lang ng madaling araw nang ipatupad ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil ang mahigpit na seguridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para “salubungin” si Duterte mula sa Hong Kong.
Bukod kay Marbil, personal na pinangasiwaan ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Major General Nicolas Torre III ang mataas na antas ng seguridad sa NAIA Terminal 3 kung saan lumapag ang eroplanong sinakyan ng dating Pangulo.
“Sasalubungin lang namin,” wika ni Torre nang tanungin ang pakay ng mahigpit na seguridad sa NAIA.
Samantala, kinumpirma rin ng Palasyo ang pagdating ng ICC Prosecutor General at ng mga operatiba ng International Police Organization (Interpol) na inatasan maghain ang warrant of arrest laban sa dating Pangulo kaugnay ng umano’y extrajudicial killing sa madugong giyera kontra droga mula 2016 hanggang sa matapos ang termino noong 2022.
Bago pa man inaresto, nagmatigas pa si Duterte sa nakaambang pagdakip pagbalik sa Pilipinas — “You will just have to kill me, kung hindi ako papayag kung, kakampi ka dyan sa mga puti.”
Samantala, maging si Senador Bong Go na matiyagang naghintay ng ilang oras sa Terminal III, hindi pinahintulutan makita man lang ang dating Pangulo.
Pag-amin ni Go, natunugan na niya ang nakaambang pag-aresto kay Duterte.
“Alam n’yo nakakalungkot. Sabi ko nga sa mga pulis, papaaresto nila yung taong ginawa lang ang trabaho niya para sa bayan. Sinakripisyo nya lahat,” ani Go, kasabay ng patutsada sa pagkansela ng kanilang airport pass para salubungin ang dating Pangulo.
“Hindi kami makapasok… pinagbawalan lang kami pumasok. Kinansel lahat yung pass namin,” dugtong ng senador.
Sa panig ni Duterte, itinanggi ng dating Pangulo ang mga alegasyon.
“Wala akong maalala na ginawa kong kasalanan. Marami akong ginawa na hindi nagustuhan ng iba or maybe lahat but I did it for my country,” pahayag ni Duterte.
“Hindi ako yumaman, wala akong nakuha, pobre pa rin ako and wala kayong nakitang nadagdag na ni-isang nipa hut sa bahay ko. Wala kayo nakita na bagong kotse.”
