COA State Auditor Roderick Wamil
UNTI-UNTING nagkakalinaw ang kontrobersyang kinasasangkutan ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng irregularidad sa paggamit ng confidential and intelligence funds ng Office of the Vice President.
Sa pagpapatuloy ng paglilitis ng Senate impeachment court, isinalang sa witness stand si State Auditor Roderick Wamil na dating nakatalaga sa Commission on Audit – Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO).
Pag-amin ni Wamil, siya mismo ang nanguna sa pagsusuri sa P125 million confidential funds na sinasabing naubos sa loob lang ng 11 araw noong huling bahagi ng Disyembre 2022.
Bilang bahagi ng panimula sa direct examination ni counsel for House prosecutors Atty. Lorna Kapunan kay Wamil, hiniling niya sa huli na tukuyin tungkulin ng ICFAO.
“Ang COA-ICFAO po ay yung office under the Office of the Chairperson in-charge with the conduct of post audit po ng liquidation of the confidential funds and intelligence funds of the various government agencies, which includes the national government agencies, the government-owned and controlled corporations and the local government units po,” tugon ni Wamil.
Para naman umano sa kabatiran ng lahat, tinanong ni Kapunan ang naturang State Auditor kung ano ang pagkakaiba ng confidential at intelligence funds.
“Ang intelligence funds po under the Joint-Circular 2015-01 ay yung lump sum appropriations provided in the budget of the agency concerned with respect to their intelligence operations. Ang confidential fund po based in Joint-Circular 2015-01 ay yung lump sum appropriations po ng concerned agency para sa kanilang confidential expenses,” ani Wamil.
Sinabi ni Wamil na kabilang sa naging trabaho niya sa ICFAO ang pag-evaluate sa liquidation ng confidential and intelligence funds o pagtukoy kung ang paggasta ng pondo ay hindi illegal, hindi irregular o hindi improper.
Binigyan-diin ng COA officer na sa pagliquidate ng nasabing pondo ay dapat ang mahigpit na pagsunod sa itinakda ng joint-circular dahil pondo ng bayan ang nakasalalay at para maiwasan ang maling paggamit nito.
Isinalaysay ni Wamil na sa kanyang sampung taon sa ICFAO, tanging si Duterte lamang ang bise presidente at naging kalihim ng Department of Education (DepEd) ang isinailalim niya sa post-audit.
Ito’y sa dahilan sina former vice presidents Jejomar Binay at Leni Robredo, na kanyang naabutan, ay walang confidential funds, gayundin sina dating Education secretaries Armin Luistro at Leonor Briones ay hindi nagkaroon ng naturang pondo.
Sa kabuuan, sinabi ni Wamil na aabot sa P500 million confidential funds na na-release sa OVP mula fourth quarter ng 2022 hanggang third quarter ng 2023 ang kanyang na-audit, kasama na rin ang kabuuang P112.5 million confidential funds ng DepEd para sa unang tatlong quarter ng 2023.
Iprinisinta naman ni Kapunan ang liquidation report para sa P125 million ng confidential funds ng OVP na isinumite sa COA, na inaprubahan at pirmado ni Duterte, na may petsang January 10, 2023.
“Ang significance po nung kanyang pirma dito ay kanya pong sinertify na yung purpose po nung kanilang cash advance from the confidential fund ay na-accomplish po ng agency,” paliwanag ni Wamil hinggil sa lagda ng bise presidente sa dokumento.
Unang napuna ni Wamil ay ang Physical and Financial Plan na ang cash advance ay gagamitin sa buong 4th quarter o mula October hanggang December subalit na-disburse, batay mismo sa liquidation report, ang P125 M confidential funds mula Dec. 21 hanggang 31, 2022 o sa loob lamang ng 11 araw.
Bukod dito, sa accomplishment report ay hindi rin idinetalye kung anong partikular na confidential activities ang ginawa ng OVP na pinaggamitan ng pondo, na siyang itinatakda ng Item 4.8 ng Joint Circular No. 2015-01.
Nasilip din na bagamat ang cash advance ay ginawa noong 4th quarter ng 2022, ang sertipikasyon ay may petsang Jan. 10, 2023 at na-nortaryo naman Enero 16.
Dahil sa mga kulang na detalye, kawalan ng documentary evidence sa paggastos at hindi tugma ng mga petsa disbursement voucher, sinabi ni Wamil na gumawa siya ng Audit Observation Memorandum (AOM).
“After the evaluation of those documents, since I noted that the documents are not compliant with the requirements of Joint Circular 2015-01, I drafted an Audit Observation Memorandum,” saad pa niya.
Matapos ang ginawang AOM, sinabi ni Wamil na naglabas ang COA ng Notice of Suspension sa OVP dahil sa mga nakitang butas sa paggamit ng P125-M confidential funds para sa huling bahagi ng 2022, batay sa revised accomplishment report ng huli.
“We evaluated the response, the explanation contained in the response, as well as the documents attached to the response and nag-issue kami ng notice of suspension dahil hindi pa din compliant ang kanilang submission sa ICFAO (COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office),” paglalahad niya.
“On the afternoon of the same day po na nag-attempt ang ICFAO na mag-serve ng AOM, nag-submit po ang Office of the Vice President ng revised accomplishment report sa ICFAO,” ani Wamil.
Subalit ilang items na nakasaad doon ay hindi pinapayagan base sa Item 4.8 of the Joint Circular, kabilang ang P40 million provision para sa medical at payment of incentives o travelling relative to confidential operations na P10 million.
“Aside from this accomplishment report, hindi po sila nagsubmit ng any document evidencing the success of the information-gathering or surveillance activities on account of the information given by the informer,” aniya pa.
Pinuna rin umano ng COA-ICFAO ang paggamit ng OVP ng acknowledgment receipts sa halip na official receipts o sales invoices sa sinasabing pagbili ng medicines at computers.
Aabot sa 845 acknowledgment receipts ang isinumite ng OVP bilang patunay sa pinag gamitan ng 2022 fourth quarter P125 million in confidential funds ng the OVP.
Ayon kay Wamil, napansin din nila sa accomplishment report ng OVP na aabot sa P125.15 million ang nagastos nito, o sobra ng P150,000.
“Ang ginastos nila based on the acknowledgment receipts ay sobra compared sa laman ng kanilang accomplishment report.” pahabol ng testigo.
