SA gitna ng panibagong eskandalong ibinulgar ni Senador Raffy Tulfo, todo-tanggi ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa alegasyon ng dayaan sa lotto.
Partikular na tinukoy ng PCSO ang pahayag ni Tulfo na may lone bettor na wagi ng 20 ulit sa lotto games sa loob lamang ng isang buwan.
Kasabay ng kumpirmasyon sa dokumentong hawak ni Tulfo, nilinaw ng ahensya na hindi sa lotto nanalo ang naturang bettor kundi sa mga pipitsugin digit games.
“The list that Sen. Tulfo originates from the PCSO and it should not be interpreted in a manner other than what it is meant to be,” pahayag ng PCSO.
“To begin with, we would like to underscore that those are not Jackpot Lottery Games but only for our Digit Games,” dugtong ng PCSO.
Giit pa ng ahensya, wala pa naman umanong naitalang bettor sa Lotto 6/42, Mega Lotto 6/45, Super Lotto 6/49, Grand Lotto 6/55, at Ultra 6/58, na tumama ng higit sa isang beses.
“What Sen. Tulfo apparently failed to notice was that the same list would also show that for jackpot-bearing games like Lotto 6/42, Mega Lotto 6/45, Super Lotto 6/49, Grand Lotto 6/55, and Ultra 6/58, there was no winner who won more than once,” anang PCSO.
Hindi rin anila angkop- palabasin ni Tulfo ang paulit-ulit na pagkubra ng isang tao sa papremyo ng PCSO.
Paliwanag ng PCSO, ang 20 lotto wins na tinutukoy ng senador ay napanalunan sa mga minor games, at di rin aniya angkop isipin na ang taong kumubra ang mismong nanalo. Katunayan anila, mga PCSO lotto agents ang tumatayong kinatawan ng mga wagi sa digit games tulad ng 2D, 3D, 4D, at 6D – sa pakiusap ng nanalo.
