HINDI kailanman naging target ng operasyon kontra droga si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa isang pahayag, hayagang binansagang “fake news” ang kumakalat na impormasyon sa social media kung saan lumabas din ang mga anila’y “dinuktor” na operational documents na nagsasabing tinarget ng ahensya si Duterte Marso 11, 2012 dahil sa pagkakasangkot sa kalakalan ng droga.
“We did a rigid check via PORMIS [Plans and Operations Report Management Information System] and that is from where we can with all certainty say that there is no such anti-illegal drug operation on that particular date,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng PDEA.
Partikular na tinukoy ng PDEA ang dalawang dokumento – isang Authority to Operate at isang Pre-Operation Report na kumakalat sa social media.
Garantiya ng PDEA, hindi kayang pasukin, singitan, bawasan o baguhin ang mga nakalagak na datos sa PORMIS kung saan nakatala ang lahat ng pre-operation documents na may kanya-kanyang serial number.
“Sa panahon kung saan ang Artificial Intelligence ay maaaring makabuo ng mga makatotohanang pekeng video, mga huwad na dokumento at kamangha-manghang pag-aangkin sa pagkakaroon ng ‘insider information,’ ang publiko ay binabalaan na maging mas maingat sa paniniwala sa naturang pekeng balita.”
