Ni Ernie Reyes
SUPORTADO ni Senador Chiz Escudero ang pagbubukas ng panibagong usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) upang tuluyan nang tuldukan ang communist insurgency at makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa bansa.
Sa radio interview nitong Sabado, Disyembre 9, sinabi ng beteranong mambabatas na anumang inisyatiba sa kapayapaan ay dapat makakuha ng suporta sa bawat Filipino.
“Para sa akin anumang mapayapang paraan para maresolbahan ang patayan, girian at awayan sa pagitan ng mga Pilipino, o sa pagitan pa ng Pilipinas at ng ibang bansa, ay para sa akin hindi dapat pinipigilan. Dapat bukas palagi ang isang mapayapang paraan tulad ng pakikipag-usap para maresolba ang anumang hindi natin pagkakaunawaan,” giit ni Escudero.
“As a basic policy, I think every government should be open to any possibility of peaceful dialogues to settle any differences as opposed to simply pursuing war against fellow Filipinos,” dagdag niya.
Aniya, dapat mabigyan ng opurtunidad ang kasalukuyang lider ng komunista na maipakita ang kanilang sensiridad patungo sa panibagong yugto ng negosasyon sa kapayapaan sa pagkamatay ng founding chairman Jose Maria Sison noong nakaraang taon.
“Malay mo, nagbago ang sitwasyon. Malay mo iyong imposible noon ay posible na ngayon. At iyung ayaw tanggapin noon, tinatanggap na ngayon. Hindi natin masabi sa pagdaloy ng panahon ang pagbabago na pwedeng mangyari sa isip, sa puso at sa kaluluwa ng bawa’t mamamayan. Pumanaw na rin ang pangunahing lider ng CPP-NPA-NDF at marahil ay nagkaroon din ng pagbabago sa kanilang hanay,” ayon kay Escudero.
“Hindi ba sa mga pelikula, maraming beses na nabigyan ng second chance ang mga nagkamali? Pamahalaan tayo. Wala tayong karapatan na maubusan o mawalan ng pasensya. Wala tayong karapatang magalit o parating maging galit sa simumang sektor, grupo o tao. Bawa’t Pilipino, sumusunod man sa batas o hindi; bawa’t Pilipino na sumusuporta man o lumalaban sa gobyerno, sila pa rin ay mga constituents at dapat ay pinagsisilbihan ng ating pamahalaan,” dagdag niya.
Ipinalabas nitong Nobyembre 23, 2023 ang isang Joint Communique sa pagitan ng Philippine Government at NDF na nagpapahayag ang dalawang partido na magkasundo sa “principled and peaceful resolution of the armed conflict resolving the roots of the armed conflict and ending the arm struggle.”
Sinabi ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. na maghahawan sa panibagong landas ang panibagong pangyayari para sa peace talks na itinigil ng nakaraang administrasyon noong May 2017.