KINONTRA ni Vice President Sara Duterte ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdaos ng peace talks sa mga komunista na inihalintulad nito sa ‘pakikipag-usap sa demonyo.’
Hindi rin sang-ayon si Duterte, vice chair ng anti-insurgency task force, sa desisyon ni Marcos na bigyan ng amnestiya ang mga rebelde dahil hindi umano sinsero ang mga ito na makipag-isa sa estado.
“Mr. President, the government’s statement with the NDFP in Oslo was an agreement with the devil. Napatunayan na natin sa kasaysayan na hindi sila seryoso at wala silang sinseridad sa usaping pangkapayapaan. Gagamitin nila itong peace negotiation sa pagtraydor sa pamahalaan at paglinlang sa taumbayan,” sabi ni Duterte sa kalatas.
Inilabas ni Duterte ang saloobin isang linggo matapos maglabas ng pinag-isang kalatas ang gobyerno at ang National Democratic Front of the Philippines, ang political-wing ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army sa kasunduan na magkaroon ng mayapang resolusyon.
Bago ito, nagbigay din si Marcos ng amnestiya sa grupo ng mga rebelde.
Nanawagan din si Duterte na pag-aralan ang kanyang desisyon.
“Pero hindi ang pagbibigay ng amnestiya ang daan sa kapayapaan. Ang dapat nating gawin ay ipagpatuloy ang ating mga nasimulan sa NTF-ELCAC at mas palakasin pa ang mga ito. Panalo na tayo, lumalaban na ang mga komunidad,” sabi pa ni Duterte.