HINDI sinipot ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang preliminary investigation sa kasong grave threats na isinampa ni ACT Teachers Party-List Rep. France Castro.
Sa halip, ang kanyang mga abogado ang dumating para sa kanya.
Nakatakda naman muli ang iskedyul sa Disyembre 15 sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Samantala, si Castro, sa pamamagitan ng kanyang abogado, ay nagsumite ng supplemental affidavit na nag-aakusa kay Duterte sa muli nitong pagbabanta bukod pa sa naunang insidente.
Muli umanong ginawa ni Duterte ang pananakot sa kanya sa television program nito sa SMNI Network.
Sa interview ng SMNI television network noong Oktubre 10, tinalakay ni Duterte ang tungkol sa confidential and intelligence funds (CIF) na hinihingi ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Pinagbantaan umano ng dating pangulo si Castro habang nakaere.
Humiling ang Office of the Vice President (OVP) ng P500 milyon habang ang Department of Education (DepEd) naman ay P150 milyon ang hinihinging confidential funds para sa 2024.
Nanguna si Castro sa oposisyon sa Makabayan bloc laban sa sa alokasyon ng confidential funds, partikular para sa OVP at DepEd.