PARA sa hanay ng mga militante, lubhang nakakabahala ang umano’y nakaambang “whitewash” sa isinasagawang imbestigasyon ng senado hinggil sa ghost projects sa likod ng mga kontratang pinamudmod ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang kilos-protesta sa harap ng gusali ng Senado sa Maynila, kinalampag ng grupong Socialista Philippines ang mga mambabatas na seryosohin ang pananagutan at hindi manatili sa hungkag na retorika.
Ayon kay Eding Villasin, tagapagsalita ng Socialista, hindi dapat kontratista lamang ang panagutin. “Hindi sila makakakilos nang walang basbas ng mga politiko at tiwaling opisyal sa loob ng DPWH,” aniya.
Batay sa mga ulat, halos 15 kontratista — na mismong pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — ang nakakuha ng malaking bahagi ng mga proyekto sa flood control ng pamahalaan.
Mariing kinondena ng grupo ang anila’t grapalang pandarambong sa pondo ng bayan sukdulang magdusa ang mga manggagawa at karaniwang nagbabayad ng buwis sa matinding pagbaha sa Kamaynilaan, mga kalapit na probinsya, at iba pang rehiyon — kahit pa sa simpleng sama ng panahon.
Sa kabila ng pag-amin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa laganap na katiwalian sa mga flood control projects ng pamahalaan, wala pa rin maski isang nasampahan ng kaso matapos ang isang buwan.
“Patuloy ang suhulan ngunit wala ni isang politiko, kontratista, o inhinyero ng DPWH ang nakukulong,” diin ni Villasin.
Sa halip, ipinasa lamang ang usapin sa Kongreso at Senado — na kapwa pinaniniwalaang sangkot din sa bulilyaso.
“Huwag gawing palabas o grandstanding lamang ang imbestigasyon. Kapag nauwi ito sa wala, mas lalo lamang madidismaya ang taumbayan,” dagdag niya.
Binalaan din ng Socialista na huwag hayaang maulit ang nangyari sa PDAF scam, kung saan nakulong si Janet Lim Napoles, habang ang mga kasapakat — nanatili sa pwesto.
“Hindi dagdag na pagkukunwari ang kailangan ng mamamayan, kundi tunay na hustisya,” giit ng grupo.
Nanawagan ang Socialista ng isang independyente at people-led investigation— at isang People’s Court para tiyakin mananagot ang may sala — mula sa kontratista, mga tiwaling kasabwat sa DPWH at mahing sa hanay ng mga mambabatas.
“Sa People’s Court, posibleng makamtan ang hustisya, maparusahan ang mga tiwali, at matigil ang siklo ng katiwalian na nagpapaalala sa baha at pumipinsala sa ekonomiya. Hindi lang dapat mabunyag kundi mapakulong ang mga sangkot sa ghost flood control projects,” saad ng Socialista.
Panawagan ng pa grupo, suriin din ang bilyon-bilyong pisong nasayang sa mga substandard na imprastraktura, kabilang ang mga gumuhong tulay.
“Hindi disposable ang buhay ng tao,” diin pa ni Villasin.
Ngayong taon, bumagsak ang Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela, habang ipinasara naman ang Ungka Flyover sa Iloilo matapos makita ang matinding kawalang-tatag. Hindi bababa sa limang tulay ang gumuho sa nakalipas na apat na taon. (TEDDY BRUL)
