HAYAGANG kinumpirma ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang umano’y kickback sa mga kontratang kalakip ng garbage collection sa nasasakupang lokalidad.
Ayon kay Magalong, umaabot sa 27 porsyento ang tinatanggap na komisyon ng mga alkalde mula sa mga garbage hauling contractors.
“Totoo yan,” wika ni Magalong.
Gayunpaman, inamin ng mayor na nabalitaan lang niya sa mga kapwa alkalde ang naturang kalakaran.
“Alam mo nabalitaan ko na maraming mayors 27% ang kinukuha nila,” wika ni Magalong sa isang panayam sa Bilyonaryo News Channel.
Aniya, sa unang taon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde, inalok umano siya ng isang emisaryo ng hindi pinangalanang negosyante ng bayad kapalit ng pagtatapon ng basura sa kanilang pasilidad.
Ang alok — P120 kada tonelada bilang tipping fee.
“Sabi niya: ‘Mayor kung dito ka magtatapon, we’re offering you P120. Nagko-compute sa harapan ko. P120 per truck per ton, tipping fee,’” ani Magalong.
Umaabot umano sa 200 tonelada kada araw ang basura ng Baguio City, na katumbas ng malaking halaga kada araw para lang sa tipping fee, bukod pa sa bayad sa hauling.
“Sabi ko: ‘Sir pasensya na po kayo, bawal po yan sa Baguio.’ Kaya Baguio is well-known as one of the cities na hindi talaga tumatanggap ang mayor diyan pagdating sa basura,” pagmamalaki ni Magalong.
