BILANG tugon sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hilahin pababa ang bayarin sa kuryente, pinangunahan nina House Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Sandro Marcos ang paghahain ng panukalang batas na naglalayong kapunin ang systems loss charges na ipinapataw sa mga konsyumer.
Sa ilalim ng House Bill 10430 (Systems Loss Charge Abolition Act), target nina Dy at Marcos pawiin ang bigat na pinapasan ng mga pangkaraniwang mamamayan at mga maliliit na negosyante dahil sa anila’y kapabayaan ng distribution utilities.
Partikular na tinukoy ni Marcos ang nawawalang kuryente dahil sa power theft, depektibong metro, mahinang collection system, palpak na maintenance at iba pa.
Anang kongresista mula sa Ilocos Norte, mandato ng pamahalaan protektahan ang mga konsyumer sa bayaring kaya naman kontrolin ng distribution utilities habang pinahihintulutan din naman ang huli na mabawi ang gastusin para sa mahusay na serbisyo
“President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. has placed high electricity costs at the center of the national agenda, and Speaker Bojie Dy and I are drawing a fair line: consumers should pay for efficient service, not for theft, negligence or operational failures they did not cause. Hindi dapat gawing insurance policy ang buwanang bill ng ordinaryong pamilya para sa mga pagkukulang na kayang pigilan ng utility,” giit ng ranking House official.
Nakasaad sa HB 10430 na hindi maaaring mabawi ang system losses sa pamamagitan ng dagdag na singilin, supply charges, metering charges, universal charges, subsidies o iba pang nakasaad sa monthly bill.
Binibigyan naman ng kapangyarihan ang Energy Regulatory Commission (ERC) na tukuyin kung anong bahagi ng kuryenteng nakonsumo para maayos na operasyon ng distribution network na maaaring singilin.
Ang halaga ng kuryente naman dahil sa illegal electricity use, power theft at pagnanakaw o pagkasira ng electrical lines, equipment at materials ay hindi na maaaring singilin sa consumers.
Kasama rin sa probisyon ang losses dahil sa defective o hindi tamang metro, billing at collection deficiencies, hindi sapat na maintenance, palpak na operasyon, kapabayaan ant iba pang dahilan na maaari naman makontrol ng power utilities.
Sa ilalim ng HB 10430, inaatasan ang ERC maglabas ng implementing rules sa loob ng 90 araw, sa pakikipag-ugnayan na rin sa Department Energy (DOE), distribution utilities, consumer groups at iba pang stakeholders.
