
PARA kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., angkop bigyan ng kapangyarihan ang hepe ng pambansang pulisya na isantabi ang three-strike policy na umiiral sa Philippine National Police (PNP).
Paliwanag ni Abalos, dapat gawin ‘flexible’ ang polisiya lalo pa’t may sapat na dahilan ang PNP chief na walisin ang tinawag niyang anay sa hanay ng kapulisan.
Paglilinaw ng DILG chief, maganda ang layunin ng three-strike policy subalit may mga pagkakataon aniyang hindi na dapat pang hintayin maka-tatlong salto ang isang pulis na nagbigay ng matinding bahid sa institusyon.
Pag-amin ng Kalihim, hindi pa niya natatalakay ang naturang mungkahi sa National Police Commission (Napolcom) at PNP Command Group, kasabay ng mungkahing rebyuhin at i-update ang mga panuntunan sa command responsibility.
Inihalimbawa ni Abalos ang kaso ng siyam na pulis na rumansak sa bahay ng isang retiradong propesor at anim na pulis na sangkot sa pagkamatay ng isang 17-anyos na binatilyo sa Navotas City kamakailan.
Dagdag ng DILG chief, ang command responsibility ay dapat na umabot sa mas mataas pa sa immediate superior ng mga sangkot na pulis, kung maraming kuwestiyon sa kaso ang hindi masagot.