Ni LOUIE LEGARDA
SA kabila pa ng maliit na populasyon kumpara sa ibang bansa, pasok ang Pilipinas sa talaan ng mga top rice-importing countries batay sa datos ng United States Department of Agriculture (USDA).
Kabilang sa nakikitang dahilan ng USDA base sa isinagawang pag-aaral ng USDA ang mabilis na pagtaas ng konsumo sa bigas ng mga Pilipino, habang patuloy naman ang pasadsad ng produksyon ng mga lokal na magsasaka.
Pangamba pa ng naturang ahensya, mananatili ang Pilipinas sa talaan ng mga top importer ng bigas hanggang sa susunod na taon.
Sa datos ng USDA, inaasahan mag-iimport ang Pilipinas ng hindi bababa sa 4.1 milyong tonelada ng bigas sa ibang bansa, habang papalo naman di umano sa 4.2 milyong tonelada ang kakailanganin angkatin sa susunod na taon.
“The Philippines imports are forecast up to a record 4.2 million tons on continued growth in consumption. The Philippines is expected to again be the largest global rice importer,” saad sa isang bahagi ng USDA report.
Gayunpaman, nilinaw ng USDA na nakakaapekto rin sa pagtaas ng antas ng rice importation ang dinaranas na sabayang epekto ng panahon ng tag-init at El Niño phenomenon.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ng 2% ang local rice production para sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon.
