DALAWANG buwan mula nang naiulat na nawawala, wala ng buhay nang matagpuan ang naaagnas na katawan ng Pinay na nagtatrabaho sa bansang Kuwait, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sa imbestigasyon ng kagawaran, buwan pa ng Oktubre nang umalis ang hindi pinangalang Pinay sa bahay ng amo. Gayunpaman, nakausap pa umano ng biktima ang pamilyang nakabase sa Pilipinas bago tuluyang maglaho.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, limang taon nang nagtatrabaho sa Kuwait ang naturang OFW.
Nadiskubreng naaagnas na ang kanyang mga labi sa loob ng bahay ng isang Kuwaiti citizen noong Disyembre 31 matapos i-turn over ng kapatid sa mga awtoridad ang umano’y suspek.
Hindi pa batid ang mga detalye ng relasyon ng suspek sa biktima at kung kailan siya napaslang.
“Hindi pa malinaw kung employer niya yung naaresto, pero may indibidwal na naaresto at siya ang prime suspect sa pagkamatay,” ani Cacdac.
“Tayo ay nakikipag-coordinate. Mayroon tayong abogadong nakatutok sa kaso at nakikipag-coordinate sa Kuwaiti prosecution para malitis, mausig at magkaroon tayo ng hustisya sa kaso na ito.”
