SA unang buwan ng taong 2025, asahan ang pagpasok ng panibagong bagyo, ayon sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa abiso ng PAGASA, tatawaging Auring ang unang bagyong papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong buwan.
Sa pagtataya ng state weather bureau, maglalandfall umano ang bagyong Auring sa Eastern Visayas o sa Caraga Region.
Samantala, pinayuhan ng ahensya ang publiko na maging handa sa mga pag-ulan dulot ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at shear line.
Dulot ng ITCZ, maulan sa Visayas, Caraga, Davao Region, Palawan, Romblon, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate gayundin sa nalalabing bahagi ng Mindanao.
Dulot naman ng shear line o ang pagsasalubong ng mainit at malamig na hangin, maulan sa Metro Manila, Calabarzon, Cagayan, Isabela, Quirino, Apayao, Aurora, Bulacan, Marinduque, Oriental Mindoro, Camarines Norte at Camarines Sur gayundin sa nalalabing bahagi ng Luzon.
Pauulanin naman ng amihan ang Batanes, Ilocos Region, nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region at Nueva Vizcaya. (Lily Reyes)
