Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
LUBOS na ikinatuwa ng kongresistang kinatawan ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa ang maagap na pagbawi sa deployment ban ng bansang Kuwait sa hanay ng mga overseas Filipino workers.
Sa isang pahayag, nagpaabot ng pasasalamat si KABAYAN partylist Rep. Ron Salo sa malasakit na ipinamalas ng Kuwait Government, gayundin ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pangunguna ni Secretary Hans Cacdac, at sa Philippine Embassy Officials, na pinamumunuan ni Ambassador to Kuwait Jose “Pepe” Cabrera.
Ayon kay Salo, ang Kuwait Government sa pangangasiwa ni First Deputy Prime Minister at concurrent Minister of Defense and Interior, His Excellency Fahad Yousuf Saud Al-Sabah at the Philippine officials na pinamumunuan ni DMW Usec. Bernard Olalia at ang Philippine Ambassador to Kuwait ay nagpalabas ng isang Joint Statement para ipabatid ang pagbabalik ng recruitment ng Filipino workers, kasama na ang mga nais mamamusakan bilang domestic workers na may karanasan sa nasabing uri ng trabaho.
“We thank His Excellency Fahad and the Kuwait Government for opening their doors to Filipinos to be able to work in Kuwait. I also thank the DMW led by Secretary Hans Cacdac and the Philippine Embassy Officials in Kuwait for ensuring that appropriate measures are in place that will provide greater protection to our OFWs while working in Kuwait. Such protection will ensure that our OFW’s overseas journey will become worthwhile,” pahayag pa ni Salo.
Bukod dito, isang joint technical working group committee ang nilikha para talakayin at solusyunan ang anumang employment-related issues na maaaring maganap sa hinaharap.
Sa pagbawi ng deployment ban ng OFWs, pinatunayan lang ni His Excellency Fahad na may palabra de honor ang naturang bansa.
Hunyo 13 nang bisitahin nina Salo, Ambassador Cabrera, Labor Attache Manuel Dimaano, at former Rep. Paul Hernandez si Fahad para idulog ang sitwasyon ng mga manggagawang Pilipino na nais magtrabaho sa naturang estado.
Base sa datos ng Philippine Embassy sa Kuwait, bumaba sa 245,000 (mula sa dating 268,000) ang bilang ng Filipino workers sa naturang bansa mula nang ipatupad ang deployment ban.
Napag-alaman din na 50 percent ng total domestic labor force sa Kuwait ay mga Pinoy – bagay na inayunan ni Fahad na nagsabing maging ang mga yaya ng kanyang mga apo ay pawang Pilipino.
