Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA sa isang militanteng kongresista, malinaw na paglabag sa umiiral na 1987 Constitution ang planong pagtakbo ng tatlong miyembro ng pamilya Duterte para sa posisyon ng senador sa 2025 midterm election.
Sa isang pahayag, kinastigo ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang aniya’y garapalang pagsusulong ng political dynasty nina former President Rodrigo Duterte, Davao City Mayor Sebastian Duterte at Davao City Rep. Paolo Duterte sa nalalapit na halalan.
“This is the height of bureaucrat capitalism, where a single family wants to control every aspect of a nation’s politics,” patutsada ng lady House Deputy Minority Leader.
“Ginagawang negosyo ang pagtakbo sa posisyon sa gobyerno di lang para mangurakot pero para pagtakpan din ang mga kasalanan nila sa mamamayan. Ginawa na ito ng pamilya Marcos ngayon ang mga Duterte naman ang gustong pumalit,” dugtong ng kongresista.
Panawagan ni Castro sa sambayanang Pilipino, maging mapagmasid at labanan ang anumang tangka na pagpapalakas na ito ng political dynasties.
Dapat aniyang supilin ang mga ganid na pulitikong nais solohin ang kapangyarihan at mapanatili ang kanilang sarili sa posisyon.
Sa loob aniya ng mahabang panahon, walang nakitang malasakit ang pamilya Duterte sa kapakanan ng mga mamamayan, gayundin ang kawalan ng pagpapahalaga sa sa demokrasya ng bansa.
