Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA gitna ng patuloy na imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa bulilyasong pag-aresto ng Southern Police District (SPD) sa apat na banyagang Tsino sa Parañaque City noong nakaraang taon, muling nagbigay paalala ang isang ranking House officials sa Philippine National Police – igalang ang Kamara.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, dapat kilalanin ng mga opisyal at miyembro ng PNP ang kapangyarihan ng Kamara na magpatawag ng mga pagdinig o imbestigasyon sa iba’t-ibang mahahalagang isyu at kontrobersiya.
Kasabay nito, nagbabala rin si Tulfo na pwede pang maharap muli sa contempt ang ilang opisyal ng PNP partikular ang mga nasa likod ng sinasabing ilegal na pag-aresto sa apat na Chinese nationals sa Paranaque City noong Setyembre ng nakaraang taon.
“Kasi baka ang sumunod dito kayo ang ma-contempt for not following instructions from the committee. Wag niyo po balewalain ang committee na ito,” paalala ni Tulfo.
“This is an inquiry, kung wala kayong tiwala sa inquiry meron din kaming executive session which is a closed door. Mga national security issues we handle that here. We go to executive session. Kaya wag nyo idahilan na hindi nyo maibigay,” giit pa ng kongresista.
Aniya, sa pagtanggi ng PNP na makipagtulungan sa Congressional inquiry, hindi malayong isipin ng publiko na mayroon itong pinagtatakpan o gustong protektahan sa hanay pinaparatangan ng maling gawain.
“Sa ginagawa niyong yan, may mga media tayo na nagko-cover ngayon. Lumalaki ang kaso iisipin na naman na nagkakaroon tayo ng stereotyping. Na everytime na may kasalanan ang mga kabaro niyo ay pinagtatakpan ng liderato,” tigas na sabi pa ng ACT-CIS lawmaker.
Nauna rito, ikinadismaya ni Antipolo Rep. Romeo Acop ang kabiguan ng PNP-Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) sa atas na isumite ang listahan ng lahat ng dismissed police personnel.
Partikular na kinairita ni Acop, na isa ring abogado at retired police general ang palusot ni Col. Lynette Tadeo ng nilalaman ng Republic Act 10173 o ang Data Privacy Act of 2012 kung kaya hindi nilang maisumite ang naturang listahan.
“Sinasabi ko na nga basahin nyo kasi ang batas na sinasabi niyo. Hindi naman absolute, ang exemption. Baka akala niyo hindi kami nagbabasa dito. This body has Constitutional and statutory mandate. Sabihin mo sa boss mo!” galit na hirit ni Acop.
