TARGET ng Senado busisiin ang pagsasamantala ng mga negosyante ang pakikipagsabwatan ng ilang ahensya ng pamahalaan upang bigyang daan ang di umano’y kaduda-dudang pagsipa ng presyo ng kuryente sa spot market.
Sa Senate Resolution 1008 na akda ni Senador Raffy Tulfo na tumatayong chairman ng Committee on Energy, duda ang mambabatas sa pagsasailalim ng malaking bahagi ng bansa sa red alert status level bunsod ng di umano’y kakulangan sa suplay ng kuryente sa bansa.
Karaniwang itinataas ang red alert sa sandaling kapusin ang ang power supply base sa demand ng consumer.
“It is important to determine the cause of the insufficiency of power supply to meet consumer demand, including the cause of power plant outages and unscheduled shutdowns,” wika ni Tulfo.
Sa ulat ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), ang pagdedeklara ng red at yello start status ang dahilan sa likod ng pagsirit sa presyo ng kuryente sa spot market.
Batay sa datos ng IEMOP, Abril 18 nang umakyat sa P13.65 per kilowatt hour (kWh) ang system-wide prices.
Sa Luzon, pumalo sa P13.39/kWh ang bentahan ng kuryente sa spot market mula sa dating P5.55 kada kWh, habang sa Visayas naman hataw sa P16.64/kWh mula sa dating P5.73/kWh.
“There is a need to ensure that the increases in the market prices should not be borne by the innocent consumers,” ani Tulfo.
