
TIWALA si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na bababa ang presyo ng karne ng manok at itlog sa sandaling maisakatuparan ang pag-angkat ng bakuna kontra avian flu na aniya’y muling magbibigay sigla sa poultry industry ng bansa.
Para kay Romualdez, kapuri-puri ang pagsisikap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gayundin ng mga namamahala ng PT Vaksindo Satwa Nusantara, isang Indonesian animal health firm, sa pagpapabilis sa pagbili ng Department of Agriculture (DA) avian flu vaccines.
“The early delivery of Vaksindo vaccines could spur the revitalization of our country’s poultry industry which has faced serious challenges due to the continuing threat of the avian flu,” pahayag ni Romualdez.
“The President is keenly aware of the plight of the poultry industry sector and the engagement with Vaksindo is a positive step towards addressing the problem of avian flu that continues to beset this sector,” dagdag pa ng House leader.
Nabatid na matapos ang naging pakikipag-usap ni Pangulong Marcos, plano rin ng Vaksindo na makipagtulungan sa local partner nitong Univet Nutrition and Animal Healthcare Company Philippines (UNAHCO) sa paglalagak ng $2 milyon bilang paunang puhunan sa itatayong negosyo sa Pilipinas – bukod pa sa pagbebenta ng avian flu vaccine sa bansa.
“Making avian flu vaccines available to our poultry sector, along with the adoption of best practices, would help ensure we could sustain the encouraging signs of recovery of the industry,” masayang hirit ng lider ng Kamara.
Dagdag pa ng lider-kongresista, walang sinayang na pagkakataon si Marcos na isinabay ang iba pang adyenda sa pagbisita sa Indonesia kung saan nakibahagi ang Pangulo sa 43rd Asian Summit and Related Summits sa Jakarta.
Samantala, kumpyansa naman si Romualdez na ganap na ganap na magiging batas ang Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VVIP), na magbibigay-daan at kakayahan sa bansa makagawa ng mga gamot at bakuna hindi lamang para sa tao kundi maging sa mga hayop at halaman.
Buwan ng Disyembre ng nakaraang taon nang aprubahan sa plenaryo ng Lower House sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 6452 (VVIP Bill) na patuloy na nakabinbin sa Senado.