
“AKO ang batong may paninindigan at hindi niyo ako kayang bilhin. Hindi niyo ako mababayaran. Bato ang prinsipyo ko pagdating sa kabutihan ng nakararami.”
Ito ang mariing pahayag ni reelectionist Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa unang arangkada ng kampanya sa hanay ng mga kandidato para sa national position sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Ayon kay dela Rosa, kapag muli siyang nahalal at magkaroon ng panibagong termino sa Senado, paninindigan niya ng kanyang paniniwala at pagpapahalaga lalo na sa mga usapang direktang nakakaapekto sa mga tao.
Kabilang sa aniyang titindigan ang adbokasiya laban sa kalakalan ng droga, sa paraan ng pagsusulong ng kaukulang batas, gayundin ang suporta sa panawagan wakasan ang political dynasty, illegal gambling, agricultural smuggling at iba pa.
Sportado rin ni dela Rosa ang mungkahing isapubliko ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) sa lahat ng nasa pamahalaan — mula sa Pangulo hanggang sa pangkaraniwang empleyado ng gobyerno, pagpapalakas ng livelihood programs sa halip na ayuda, legal na paggamit ng medical marijuana, pagbabalik ng death penalty para sa heinous crimes kabilang ang drug trafficking, at pagpapatupad ng legislated wage hike.
Dagdag pa ng dating naging hepe ng Philippine National Police (PNP), pabor siyang limitahan ang confidential and intelligence funds (CIF) sa mga ahensyang may kaugnayan sa national security at law enforcement.
“Limiting its allocation will settle issues on the CIF. Ang solusyon diyan para hindi talaga maabuso is tanggalin. Kung ayaw natin yan maabuso, then tanggalin,” diin ni dela Rosa na kabilang sa mga sasabak sa 2025 senatorial race sa ilalim ng PDP-Laban.
Sa nakalipas na anim na taon, naging bahagi si dela Rosa sa pagpasa ng Anti-Terrorism Act, BFP Modernization Act, pagbababa sa minimum height requirement sa mga aplikante sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Correction (BuCor), at iba pa.
Bahagi rin ng kanyang legislative ang pagtugon sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino kabilang ang pagiging co-sponsor nila sa panukalang pagtatakda ng legislated P100 increase sa daily minimum wage na passado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado.
Ang iba pang batas na sinuportahan ni dela Rosa ay ang Magna Carta of Filipino Seafarers, pagbibigay proteksyon sa caregivers, pagtaas sa teaching supplies allowance ng mga public school teacher, at pagbibigay ng direktang tulong sa mga magsasakang Pilipino.