
BULILYASO ang pangarap ng tatlong IT experts na magkamal ng limpak-limpak na salapi matapos dakpin ng mga operatiba ng pulisya kaugnay ng nabistong modus – pera palit panalo sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Sa kalatas ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), dinakma ng mga operatiba ang tatlong suspek sa entrapment operation na ikinasa sa isang shopping mall sa Marikina City.
Kinilala ang mga suspek sa pangalang Bernard Baysic, Ronald Rey Aladin at Donnie Ray Belles.
Salaysay ni Robert Turingan na tumatakbo para mayor ng bayan ng Enrile sa lalawigan ng Cagayan, nag-alok umano ang mga suspek ng garantisadong panalo sa halalan kapalit ng tumataginting na P90 milyon.
Nagpakilala pa umano ang mga suspek na konektado sa Commission on Elections (Comelec). Bukod kay Turingan, pinangakuan din ng “sure win” ng mga suspek si vice mayoralty candidate Karen Kaye Tavas Turingan.
Narekober ng mga pulis sa suspek ang sobreng pinaglagyan ng boodle money, iba’t-ibang ID, cellphone at sasakyan.
Nakatakdang sampahan ng PNP ng kasong robbery extortion, paglabag sa Revised Penal Code, Cybercrime Prevention Act of 2012 at Omnibus Election Code of the Philippines ang mga suspek.