TULUYAN nang sinampahan ng kaso ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda ang isang retiradong general na kumaladkad sa pangalan ng hepe ng pambansang pulisya sa di umano’y destabilization plot laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Personal na tinungo ni Acorda ang Quezon City Prosecutor’s Office kung saan inihain ang kasong paglabag sa Anti-Crime Prevention Act laban kay retired Army Brig. Gen. Johnny Macanas na dati nang nadawit sa bigong pag-aalsa laban sa yumaong Pangulong Corazon Aquino noong 1989.
Partikular na tinukoy ni Acorda ang programang “The General’s Opinion” na lumabas sa YouTube kung saan idinawit ang PNP chief mga di umano’y planong pagpapatalsik kay Marcos.
Sa naturang video, itinampok ang larawan ni Acorda na may caption na humihiling sa pagbaba ng Pangulo sa Palasyo.
Bukod kay Acorda, kasama rin sa di umano’y bumawi ng suporta sa Pangulo si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr.
Kapwa itinanggi nina Acorda at Brawner ang alegasyon, kasabay ng giit na walang katotohanan ang kumakalat na umano’y destabilisasyon laban sa administrasyon.
“Ang isinampa po natin kaso ay dahil sa pagpapakalat po ng hindi totoong information na ang ating Chief PNP ay nag-withdraw na po ng support sa ating President at hinihikayat ang ating Presidente na mag-resign,” pahayag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.
Una nang nilinaw ng PNP na walang katotohanan ang kumakalat na umano’y destabilisasyon laban sa administrasyon ni PBBM na kumalat sa social media.
Nakipag-ugnayan narin aniya ang PNP asa AFP para sa iba pang impormasyon kaugnay ng isyu ng destabilisasyon at sa ngayon ay wala naman siang namo-monitor.
“Sa ngayon, wala naman po tayong namo-monitor na any destabilization plot kagaya po ng naririnig natin lately,” pagtatapos ni Fajardo.
