![](https://saksipinas.com/wp-content/uploads/2023/07/jeep.jpg)
TANGING patawag na lang ng Senate Committee on Public Services ang hinihintay ng grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela) para sa pagsisiwalat ng di umano’y mga patunay ng katiwalian sa loob ng Department of Transportation (DOTr).
Partikular na tinukoy ni Manibela national president Mar Valbuena ang di umano’y ‘pagbebenta’ ng ruta ng mga pumapasadang dyip sa mga politiko at pribadong korporasyon.
Nang tanungin kung sino ang mga politikong tinutukoy, sinabi ng transport group leader na naisumite na nila ang talaan sa Senate Committee on Public Services, kung saan nila aniya ibubunyag ang pagkakakilanlan ng mga nasabing politiko.
Bukod sa komite, pinadalan rin aniya nila ng may sipi ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Samantala, kumbinsido ang Manibela walang planong makipag-usap sa kanilang hanay si Transportation Secretary Jaime Bautista kaugnay ng napipintong tatlong araw na tigil-pasadang isasabay sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ika-24 ng Hulyo.
Una nang nagbanta ang DOTr na kakanselahin ang prangkisa ng mga tsuper at operator na lalahok sa naturang tigil pasada.