SA hangaring tiyakin hindi maputol ang buwanang pensyon ng mga retiradong pulis at sundalo, isa sa nakikitang pwedeng paghugutan ng pondo ang pagpaparenta ng malalaking lupain ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Para kay Senate President Juan Miguel Zubiri, malaking bentahe kung isusulong ang paggamit ng mga ‘assets’ ng AFP (bukod pa sa 5% mandatory deduction sa buwanang sahod) para lang makasigurado na hindi magkakaaberya sa pension fund para sa mga retiradong military and uniformed personnel (MUP).
“I think it is just the matter kung gaano kaliit ang kaltas, kung gaano kalaki and of course kung pwede nating i-utilize ang kanilang mga assets para madagdagan po ang pondo nitong parang kanilang version ng SSS,” ani Zubiri sa isang panayam sa radyo.
“Ang suggestion ko kay Senador Jinggoy (Estrada) tingnan ‘yong assets ng military reservations” aniya pa.
Bukod sa pagpapaupa, kabilang sa mga nakikitang paraan ni Zubiri ang pagbebenta at pagpasok ng AFP sa joint venture agreement sa mga pribadong korporasyon na interesadong okupahan ang mga nakatenggang lupain ng AFP.
Pangamba ng lider ng senado, hindi malayong kainin ng pension fund para sa mga retiradong sundalo ang malaking bahagi ng taunang pondo ng AFP – kung hindi kakaltasan ang buwanang sahod ng mga sundalo at pulis.
Para kay Zubiri, hindi magiging mabigat sa mga pulis at sundalo ang 5% na kaltas sa kanilang buwanang sweldo lalo pa’t nadoble na ang kanilang sahod noong nakaraang administrasyon.