TAHASANG sinabi ng 99-anyos na Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na walang kakayahan ang International Criminal Court (ICC) na ipadakip si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga pamamaslang sa ilalim ng giyera kontra droga sa nakalipas na administrasyon.
Gayunpaman, naniniwala si Enrile na posibleng gipitin ng ICC ang Pilipinas sa pamamagitan ng pag-ipit sa mga financial assets ng Pilipinas sa ibang bansa – kung hindi isusuko si dating Pangulong Duterte sa sandaling lumabas ang mandamiento de arresto sa kinakaharap na kaso.
Nakatakdang paspasyahan ng ICC bukas (Hulyo 18) ang inihaing apela ng gobyerno para ibasura ang pagpapatuloy ng imbestigasyon kay Duterte.
Una nang sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na posibleng isampa agad ng ICC prosecutor ang kaso laban kay Duterte at iba pang personalidad, kasama si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na noon ay hepe ng Philippine National Police (PNP).
Aniya pa, wala rin umanong ICC arresting officer na makakatuntong sa Pilipinas.
“Sino ngayon ang gagamitin ng ICC para ipatupad yung kanilang desisyon? Meron ba silang armada para dalhin dito para arestuhin si (ex) President Duterte? Pwede bang pumasok dito ang puwersa ng Russia, ng America o ng China para arestuhin? Sino ang magpapatupad ng desisyon ng ICC? Mayroon pang police ang ICC? Makapag isyu ba ng contempt?” paglalahad ni Enrile.
Ang maaari lang umanong gawin ng ICC ay ipitin ang ari-arian ng Pilipinas sa ibang bansa.
“Sanction siguro if they can withhold the financial assets of Philippines or anyone else but I doubt it because kailangan tayo ng America,” aniya pa.
“Marami rin silang magagawa, bawasan nila ang contribution nila sa UN tapos ‘yan, wala nang UN,” babala pa niya.
Bilang Presidential Legal Counsel, nirekomenda na rin niya di umano sa Palasyo na manindigan sa soberanya ng bansa – huwag isuko si Duterte sa mga banyaga.
“Pinag-usapan namin ‘yan eh, yan ang posisyon ko. As a Filipino, I will not agree to surrender the sovereignty of the Philippines to anybody, not even to the UN.”