TULUYAN nang mabibisto ang tunay na halaga ng pangalawang pangulo sa sandaling buklatin ang mga tax records at bank statement ni Vice President Sara Duterte. “Simpleng pamumuhay? My goodness!,” bulalas ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. sa aniya’y pinangangalandakan ni Duterte na “simpleng pamumuhay.” “You are going out of the country, ilang bansa ang pinupuntahan mo? Simpleng pamumuhay ba yan? I mean, while the impeachment proceeding is going on, anong ginagawa ng ating vice president? She goes to different countries, nag-bibisita siya,” dugtong ni Abante. Tahasang sinabi ng Manila solon na hindi kapanipaniwala ang litanya ng bise-presidente. “All of what’s happening right now, hindi simple ang buhay. Sa akin lang, ang taongbayan ang huhusga, kung talagang simple ang pamumuhay ng Vice President Sara,” sambit pa ni Abante. Para naman kay House prosecution adviser and spokesperson Ace Barbers, masusubukan ang imaheng gustong ipakita sa publiko ni Duterte kapag nailantad sa impeachment trial ang mga bank at tax records ng pangalawang pangulo. Sa pagtapos ng prosekusyon sa presentasyon nito ng Article I, na nag-aakusa sa bise presidente ng maling paggamit ng P612.5 million confidential funds, isusunod na ilalatag sa Senate impeachment court ang Article II, na tinatawag ding ‘unexplained wealth’ charges. Ayon kay Barbers, sa pagkakataon ito, kabilang sa mga ebidensiyang gagamitin laban sa nasasakdal ang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), records mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa bank accounts mag-asawang Duterte at Atty. Mans Carpio, gayundin ang income tax payments na isinumite ng Bureau of Internal Revenue (BIR). “Sinabi natin diyan na merong tagong yaman o hindi tamang pagkakapaliwanag ng kanyang yaman, na kanyang idineklara sa SALN. And dahil ganyan, merong mga records na nanggaling mismo sa AMLC, sa mga bangko na sinubpoena natin o sinubpoena ng prosecution, nang sa ganun ay mapatunayan na meron talagang tagong yaman ang ating Pangalawang Pangulo,” paliwanag pa ng former Surigao del Norte congressman at governor. “Sinabi niyang yaman ay P88 million, kung hindi ako nagkakamali. Pero ang records ng kanyang bangko, records ng kanyang tax returns sa BIR, ay hindi tumutugma doon sa kanyang dineklarang yaman ng Duterte-Carpio,” dagdag ni Barbers. Una nang sinabi ni Barbers na kaabang-abang ang paglalagtag ng prosekusyon sa unexplained charges laban kay Duterte dahil maaasahang may mga pasabog o malaking rebelasyon na mangyayari at dapat ding tutukan ang mga magiging testimonya ng prosecution witnesses. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Retired Justice pipiyok sa tagong yaman ni Sara Pangalan ng mga bata at yumao isinangkalan din