BINIGYANG-DIIN ni House Speaker Faustino Dy III na ang bawat pamilyang Pilipino ang higit na makikinabang sa pinatawag na special congressional session na naglalayong tapusin ang mga nakabinbing trabaho — kabilang ang mga panukalang batas na nagsusulong sa interes ng mamamayan.
“Ang mga panukalang ito ay may direktang epekto sa buhay ng ating mga kababayan. Kapag napalawak natin ang access sa edukasyon, pinalakas na rin ang sistema ng ayuda para sa mga nangangailangan, at napabuti ang serbisyong pangkalusugan, mas maraming pamilyang Pilipino ang magkakaroon ng pagkakataong umangat at magkaroon ng mas magandang kinabukasan,” pahayag ni Speaker Dy.
Batay aniya sa Proclamation No. 1318 na ipinalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang sa hiling na aksyunan ng lehislatura ay ang panukalang pag-amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act at ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Gayundin ang isinusulong na National Center for Geriatric Health Act, na layong mapahusay ang specialized healthcare services para sa senior citizens, at ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Act, upang ma-institutionalize naman ang medical, financial, at iba pang emergencies sa mga nangangailangan.
Isinama rin ng Chief Executives sa tatalakayin sa special session, na sisimulan sa Miyerkules, Hunyo 17, ang proposed Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged and Conflict-Affected Areas (GIDA) Schools Act at ang pag-amyenda sa Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act, na isang nutrition program para sa mga bata.
“Nais ng mga panukalang ito na gawing mas abot-kamay ang tulong ng pamahalaan para sa bawat Pilipino, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan ng suporta,” ani Dy.
“Our people have waited long enough for many of these reforms. The House has already done its part, and we are hopeful that the legislative process can move forward so these measures can become law and begin delivering benefits to our constituents,” dugtong ng lider ng Kamara.
Pagtitiyak ni Dy, nanatiling nakatuon ang Kamara, sa ilalim ng kanyang liderato, na makatrabaho ng lubos at mahusay kapwa ang sangay ng Ehekutibo at Senado upang masiguro ang pag-apruba sa priority bills na makapagbibigay ng makahulugan at pangmatagalang benepisyo sa mga mamamayang Pilipino.
