PARA kay Senador Mark Villar, napapanahon nang pagtibayin ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong protektahan ang mga Pilipino laban sa pagsasamantala sa likod ng bentahan ng ticket sa konsyerto, palaro at iba pang pagtitipon na dinadayo.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Villar ang inihaing Senate Bill 1989 (Anti-Ticket Scalping Act) na magbibigay daan para wakasan ang lumalalang problema ng ticket scalping at dumaraming reklamo mula sa publiko.
Pag-amin ng senador, hindi na bago ang SB 1989. Katunayan aniya, una niyang inihain ang panukala sa ilalim pa ng 19th Congress bilang SB 8273.
Subalit dahil sa patuloy na paglaganap ng modus, minabuti niyang muling ihain sa 20th Congress ang nasabing panukala bilang SB 1630 na kalaunan ay naging substitute bill at isinailalim sa Committee Report No. 51 bilang SB 1989.
Ayon kay Villar, layunin ng panukalang batas tugunan ang malawakang pagbili o “hoarding” ng mga tiket upang muling maibenta sa labis na mataas na presyo, na kadalasang nagkakait sa mga tunay na tagahanga at mamimili ng pagkakataong makabili ng ticket sa tamang halaga.
“Marami na sa ating mga kababayan ang nakaranas na maubusan ng tiket dahil binibili ito nang maramihan at muling ibinebenta sa napakataas na presyo sa online at offline markets. Hindi na yan tama… Isa itong malinaw na pagsasamantala na naglalagay sa mga mamimili sa alanganin at dapat nang matugunan sa pamamagitan ng batas,” ani Villar.
Tampok sa mungkahi ni Villar ang pagbabawal sa ticket scalping, kabilang ang hindi awtorisadong muling pagbebenta ng mga tiket sa presyong lampas sa sampung porsyento (10%) ng orihinal na halaga. Nilalayon din ng panukala na sugpuin ang mga gawaing sumisira sa integridad ng mga ticketing system, gaya ng paggamit ng mga automated software, bots, pekeng account, huwad na pagkakakilanlan, at iba pang mapanlinlang na paraan upang malusutan ang mga limitasyon sa pagbili ng tiket.
Inaatasan din ng panukalang batas ang mga event organizer, ticketing companies, at iba pang kaugnay na sektor na magpatupad ng mga mekanismo upang maiwasan ang paghohoard ng mga tiket at iba pang mapanlinlang. Layunin nitong matiyak na ang mga tiket ay mapupunta sa mga lehitimong mamimili o mga fans at hindi sa mga oportunistang reseller.
Upang mapigilan ang mga paglabag, nagtatakda ang SB 1989 ng mga kaukulang parusa laban sa mga sangkot sa ticket scalping at iba pang kaugnay na paglabag. Ang hindi awtorisadong muling pagbebenta ng tiket, mapanlinlang na pagkuha ng mga tiket, at iba pang ipinagbabawal na gawain ay maaaring patawan ng multa at pagkakakulong.
May nakalaan din parusa para sa mga gumagamit ng bots at iba pang automated technologies upang manipulahin ang bentahan ng mga tiket at malusutan ang mga umiiral na kontrol sa ticketing systems.
Binigyang-diin ni Villar na ang panukala ay hindi lamang naglalayong parusahan ang mga lumalabag kundi itaguyod din ang pagiging pata at isaayos ang pagbebenta ng ticket sa mga industriya.
“Napapanahon na ang pagkakaroon ng isang komprehensibong batas laban sa ticket scalping. Sa dami ng mga reklamong natatanggap mula sa publiko, malinaw na kailangan nating palakasin ang proteksyon para sa mga mamimili. Umaasa tayo sa agarang pagpasa ng panukalang ito upang matiyak na ang mga tiket ay napupunta sa mga tunay na tagahanga at hindi sa mga sindikatong scalper na nagsasamantala sa mga ticket buyers,” pagtatapos ni Villar.
