IBINISTO ng isang kongresista partylist congressman ang umano’y pagtatago ni Vice President Sara Duterte ng hindi bababa sa 50 iba’t-ibang klase ng armas.
Ayon kay Bicol Sara partylist Rep. Terry Ridon, nakarehistro sa pangalan ni Vice President Sara Duterte ang mga naturang baril pero hindi idineklara ng pangalawang pangulo sa isinumiteng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Target din ng kongresistang bahagi ng 11-member House prosecution panel makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para sa record ng sinasabing “arsenal” ng pangalawang pangulo at ng kabiyak na abogading si Mans Carpio.
Isusulong rin ni Ridon ipatawag ng prosecution panel sa impeachment case laban sa bise presidente, ang ilang firearms dealers at expert evaluators upang mabatid ang aktwal na halaga ng bawat baril.
“Tatlo yung kahalagahan nitong bagong ebidensya. Una, yung type of property. Ibig kong sabihin, I think yun pong mga properties na regulated properties katulad ng mga baril, firearms, dapat talagang declared yan sa SALN po ng isang public official,” ayon kay Ridon.
Batay sa Civil Service Commission (CSC) SALN guidelines, dapat ideklara ng sinumang public official ang lahat ng ari-arian kasama ang personal properties, gaya ng baril na nakadetalye kung anong taon, paano at magkano ang pagkakabili.
Sa nakalap na impormasyon ni Ridon, pinagsama-samang rifles, revolvers, shotguns at pistols ang klase ng mga baril ang nakapangalan sa mag-asawa.
Kaya sa pangalawang punto ng Bicolano solon — “tama bang ganun kadami yung pag-aari ng mag-asawa o isang public official, ganun kadami yung mga baril at mga armas na pinagsama?”
“At pangatlo, syempre, yung usapin na mismo ng value ng mga pag-aari po na ito. It was never disclosed in the SALN of the Vice President in any year,” dugtong ni Ridon.
Nilinaw naman ni Ridon na hindi kinukuwestyon ng prosekusyon kung bakit binili at saan gagamitin ang ganun karaming armas, bagkus ay malaman kung ito’y kasama sa idineklarang pag-aari ng magkabiyak.
“Hindi naman relevant sa amin kung saan nila ginagamit yung mga baril. Ang mas mahalaga po sa amin, hindi po ito nakalista sa SALN ng Pangalawang Pangulo na dapat linista po niya sa anuman taon na nagkaroon po siya na pag-aari ng mga baril po na ito.”
