
IGINIIT ni Vice President Sara Duterte na wala siyang balak tumakbo bilang pangulo sa 2028 presidential elections.
Sinabi ni Duterte na noon pa niya ito paulit-ulit na sinasabi at ang pinagtututuunan niya ng pansin ngayon ay ang trabaho sa kanyang ahensiya.
“Hindi ko naman talaga ambisyon na tumakbong vice president and lalong lalo na ang president. Alam niyo naman lahat ‘yan. Sinabi ko noon na hindi ko gustong tumakbong president,” ayon kay Duterte.
Dagdag pa niya, ipinauubaya na niya sa Panginoon ang plano para sa kanyang kinabukasan.
Kaugnay nito, inaalam na ngayon ng Office of the Vice President (OVP) ang mga bali-balitang may mga taong gumagawa ng hakbang upang ipa-impeach siya.
“We are currently doing our due diligence about this one and we will release a comment [at the] appropriate time,” pahayag ni Sara at tiniyak na maayos ang lahat sa pagitan niya at ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr..
“We’re okay,” aniya nang matanong hinggil sa relasyon nila ng pangulo.
Nagpahayag din ng kumpiyansa si Duterte na nananatili ang tiwala sa kanya ng punong ehekutibo.
Una nang tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na walang anumang aksyong ginagawa ang Kamara upang mapababa sa puwesto si Duterte.