INUNGKAT ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang isyu sa pagpapatupad ng dagdag na pensiyon sa mahihirap na senior citizen sa pagdinig ng Senado sa 2024 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Isa si Go sa co-authors ng Republic Act 11916 na nagdoble sa monthly pension allowance ng mga kwalipikadong indigent senior citizen mula P500 hanggang P1,000.
Bilang tugon, binanggit ni Sen. Imee Marcos, sponsor ng budget ng DSWD sa Senate plenary, ang pagtaas ng badget sa halos P50 bilyon para sa 2024 ngunit binigyang-diin din ang kasalukuyang backlog sa pagbabayad ng pensiyon at ang pagtaas ng bilang ng senior citizens na naghihintay ng kanilang pensiyon.
Sinabi ni Marcos na lumalaki ang atraso o ang listahan ng naghihintay para sa social pension ng senior citizen kaya aabot ng P5 billion ang backlog.
Ang dating 228,000 waitlisted, ngayon ay 466,000 na.
Kaya naman nabahala si Go sa kapasidad ng pananalapi ng DSWD upang mahawakan ang tumataas na bilang ng nakalistang senior citizen na kuwalipikado sa social pension.
Sa kanyang pahayag, idiniin ni Go ang kanyang suporta sa DSWD sa pagsasabing noon pa man ay isa ito sa kanyang mahal na departamento.”
Ngunit ipinaalala niya sa DSWD ang krusyal na papel nito bilang “beacon of hope” ng mga Pilipino, nagbibigay ng lifeline sa mga nahaharap sa hirap at iba’t ibang hamon sa buhay.
