
NI ESTONG REYES
Lubhang ikinabahala ni Senador Grace Poe ang patuloy na pagdami ng scam texts at calls sa kabila ng pagsasabatas ng SIM Registration Law at pagbabawal sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) sa bansa.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy na Poe ang aniya’y nakakaalarmang pagsipa sa bilang ng mga scam calls sa unang bahagi ng taon, sa kabila ng umiiral na batas laban sa online dorobo.
“Executed at a massive scale and with high precision, voice phishing or vishing attacks prey on our unsuspecting kababayans that result in identity theft and financial losses,” pahayag ni Poe na pangunahing may-akda ng SIM Registration Law,
Para kay Sen. Poe, hindi pangmatagalang solusyon SIM Registration Law laban sa paglaganap ng scamming, maaari naman umanong gamitin ang nasabing batas laban sa cybercrime — kung may mahusay na implementasyon.
“Naitakda sa batas ang mas mahigpit na pamamaraan sa paggamit ng SIM at gaming legal na basehan sa pagpaparusa ng hindi tamang paggamit,” ayon kay Poe.
“Sa oras na ito, umaasa kami na ang mga nagkakasala ay nakakaranas na ng kaparusahan ng batas at nagiging hadlang sa mga nagtataguyod ng mga mapanlinlang na plano,” dagdag ng senadora.
Aniya, dapat sakdalan at litisin ang lahat ng scammers sa korte saka parusahan. “Kung walang mapapanagot, ipagpapatuloy lamang ng scammers ang kanilang illegal na aktibidad.”
“Nanawagan tayo sa kinauukulan ahensya ng pamahalaan at iba pang stakeholders na patuloy na magbigay ng mapamaraang solusyon upang sugpuin ang call at text scams,” giit ni Poe.
“Ang pag-aalis o pagbawas sa mga pandaraya sa pinakamababang antas ay nangangailangan ng pagiging mas matalino kaysa sa mga scammers,” patapos ng senadora.