HAYAGANG kinalampag ng mga militanteng kongresistang nasa likod ng tinaguriang Makabayan bloc sa Kamara ang bagong pamunuan ng senado.
Sa isang manifesto, partikular na hinikayat nina ACT Teacher partylist Rep. Antonio Tinio, Gabriela partylist Rep. Sarah Elago at Kabataan partylist Rep. Renee Co si Senate President Sherwin Gatchalian na na ituloy ang congressional hearing sa tinaguriang flood control scandal.
Giit ng grupo, panagutin ang dapat managot sa anila’y pinakamalaking eskandalo sa kasaysayan ng Pilipinas.
“Ang pagbabago ng pamuno sa Senado ay hindi solusyon sa krisis ng korapsyon ng institusyon,” giit ng mga militanteng kongresista.
Anila, hindi mapapawi ang galit ng taumbayan hanggat hindi tuluyang naparusahan ang mga kawatan.
Hirit ng Makabayan bloc kay Gatchalian, ituloy ang imbestigasyon sa flood control scandal kesehodang kaanak pa ang masagasaan.
“Hindi dapat may selective sa usapin ng hustisya. Lahat ng nakipag sabwatan sa pagnanakaw ng pera ng bayan ay dapat humarap sa hukuman,” ayon pa sa Makabayan bloc.
“Ang tunay na pagbabago ay hindi sa pagpalit ng lider, kundi sa pagpalit ng sistema na nagbibigay-daan sa korapsyon.”
