NAISAHAN ni former Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ang taong nag-upo sa kanya sa pwesto.
Ito ang bulalas ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa aniya’y mali-maling datos na may kinalaman sa flood control projects na isinumite ni Bonoan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Para kay Lacson, malinaw ang motibo ni Bonoan sa ginawang pagpapaikot sa Pangulo — iligaw ang imbestigasyon sa isyu ng flood control scandal.
Pag-amin ni Lacson, isang impormante ang nagbahagi sipi ng dokumentong isinumite sa Pangulo. Ang naturang dokumento aniya ay naglalaman ng mga maling “grid coordinates” ng libo-libong flood control projects.
“I received reliable information that former DPWH Secretary Manuel Bonoan deliberately submitted to Malacañang incorrect grid coordinates of thousands of flood control projects all over the country, which formed part of the Sumbong sa Pangulo website,” wika ng senador.
“This resulted in grossly inaccurate data involving some 421 ghost projects on previously inspected flood control projects earlier reported to the public by the said department and which they are now trying to rectify by comparing the records in their multi-year planning and scheduling or MYPS, Project and Contract Management Application or PCMA, and other related documents that remain intact and in the possession of the Department,” sambit ni Lacson sa Kapihan sa Senado media forum.
“Kahit sabihing hindi siya principal, sa cover-up pa lang kitang kita ang kanyang complicity,” dagdag niya.
Hindi isinasantabi ni Lacson ang posibilidad na ginawa ito ni Bonoan — na ayon sa testimonya ng dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ay tumanggap umano ng bilyon-bilyong piso sa kickback kaugnay ng mga proyektong pang-imprastraktura — upang pahinain o sirain ang kredibilidad ng pagsisikap ng gobyerno na matukoy ang ugat ng katiwalian sa mga maanomalyang flood control project.
“Niligaw niya para ma-weaken o masira ang credibility na may ghost flood control projects… Pag pumalpak ka… (iisipin ng tao na) wala ang Sumbong sa Pangulo website, di reliable yan,” ani Lacson.
Dagdag niya, maaaring ito rin umano ang dahilan kung bakit una nang kinuwestiyon ni Bonoan ang datos ng isang ghost flood control project sa Mindoro.
“Kaya pala sinasabi niyang grid coordinates mali, sa utak niya alam niyang minali niya,” dugtong ng senador.
Gayunpaman, hindi umano alam ni Bonoan na nagsaliksik ang tanggapan ni Lacson sa iba’t ibang sources sa paghahanap at pag-identify sa mga ghost flood control projects na nabanggit sa kanyang mga mga privilege speeches.
Ayon kay Lacson, layon ng Senate Blue Ribbon Committee na kanyang pinamumunuan, alamin ang buong katotohanan sa susunod nitong pagdinig sa Lunes, Enero 19, sa pamamagitan ng pag-subpoena ng mga dokumento ng DPWH, kabilang ang mga iniwan ng yumaong Undersecretary Cabral bago siya pumanaw.
Dagdag ni Lacson, magpapadala si DPWH Secretary Vince Dizon ng dalawang undersecretary upang tumestigo sa usapin at dalhin ang mga kaugnay na dokumento.
Ani Lacson, isa si Bonoan sa mga personalidad na ipapatawag ng Blue Ribbon Committee sa pagdinig sa Enero 19. Sakaling hindi dumalo ang dating Kalihim, posible aniyang i-cite in contempt, kasabay ng pag lalabas ng warrant of arrest para kay Bonoan.
Sa sandaling lumabas ang warrant of arrest na kalakip ng citation contempt, makikipag-ugnayan ang komite kay Philippine Ambassador to the US Jose “Babes” Romualdez para makipag-ugnayan sa law enforcement agencies ng Estados Unidos para sa deportation ni Bonoan pabalik ng Pilipinas.
“Mag-e-expire ang stay niya, he cannot stay there forever. The longest stay sa US is six months. Kung lalampas siya doon magiging unauthorized ang stay niya… kung hindi extradition, deportation ang mangyayari,” aniya. (ESTONG REYES)
