TATAPUSIN ng Land Transportation Office (LTO) ang problema sa kapos na supply ng plastic driver’s license cards sa susunod na 60 araw, pagtitiyak ni LTO officer-in-charge Hector Villacorta.
Katunayan aniya, nakahanda na rin ang pamamahagi ng hindi bababa sa 5,000 driver’s license card bago pa man sumapit ang takdang araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang pulong balitaan, ibinida rin ni Villacorta ang ikinasang pag-iisyu ng 15,000 hanggang 30,000 card araw-araw bilang tugon sa direktiba ng Pangulo.
“Just maybe 5,000 copies. The paper will surely be out of date because the production of license cards will start with 15,000 to 30,000 plastic cards a day within 10 days and the promise is within 60 days they can make one million plastic cards… so the issue of lack of supply for plastic cards will be history,” ayon kay Villacorta.
Aniya, ang unang batch ng mga license cards ay ipapamahagi sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) at mga bagong driver’s license applicants.
“Actually ang nauuna is OFWs and Student Driver’s Permit that mature into Non-Pro or Professional license,” anang opisyal.
Ginarantiyahan rin ng LTO chief ang kumpanyang ginawaran ng kontrata – ang Banner Plasticard, Inc. na aniya’y may kakayahang gumawa ng 15,000 hanggang 30,000 cards kada araw.
“I’ve seen the factory here in Pasig and they showed me that they can do 15,000 to 30,000 copies everyday.”
Samantala, inihayag rin ni Villacorta na maaari na rin ma-access ng driver’s license holders ang kanilang electronic copies of licenses sa pamamagitan ng LTMS Portal.