
SINABI NG Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi na hihilingin sa mga nanalong kandidato na magsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) bilang requirement bago sila makaupo sa posisyon.
Ayon sa Memorandum Circular No. 2023-165 na nilagdaan ni Secretary Benjamin Abalos, Jr. “Considering that candidates are already required to file the SOCE with Comelec under Sec. 14 of RA 7166, the additional requirement of the submission to DILG of the Comelec Certification of SOCE filing may be deemed as duplicative.
Ang batas ay nag-aatas sa isang kandidato na maghain ng SOCE sa Commission on Elections (Comelec) sa loob ng 30 araw pagkatapos ng araw ng halalan.
Kaugnay nito, naglabas ng memorandum circular ang DILG na nag-uutos sa mga bagong halal na opisyal na magsumite sa ahensya ng sertipikasyon mula sa Comelec sa pagsusumite ng SOCE bago manungkulan.
Taliwas sa Comelec
Sa hiwalay na panayam nitong Lunes, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na kailangang isumite ng mga kandidato ang kanilang SOCE sa Comelec bago maupo sa kanilang posisyon.
“Ay yun pong requirement ng SOCE door sa mga nakikinig pang kandidato, lahat po kayo required na mag-file ng statement of contribution and expenditure 30 araw mula araw na ito (Oct. 30). So November 29 magfa-file po kayo sa inyo. SOCE. Kahit pa nga po kayo ay nag withdraw during the campaign period pero kayo ay kandidato, you have to file the SOCE,” ani Garcia.
Samantala, sinabi ni Garcia na nakikipag-ugnayan ang Comelec sa DILG para maglabas ng kautusan na maaaring magbigay ng isang linggong tamang turnover ng mga kagamitan at resources sa mga bagong halal na opisyal.
“Yes yun yung ating pinakiusap kay Secretary Abalos, hindi man namin jurisdiction yan… Sabi natin mas maganda na meron tayong isang linggo na transition lalo na sa pag proper turnover ng mga kagamitan, pera at equipment at saka dokumento.” sinabi niya.
“Baka maya maya pag-assume ng bagong official eh mabuti sana kung incumbent yung manalo. Eh kung bago yan baka walang maaabutan sa mismong barangay hall,” aniya pa.
Ang mga opisyal ng barangay at SK ay magtatapos sa kanilang termino sa Oktubre 30, habang ang mga bagong opisyal ay magsisimula sa Oktubre 31. Hindi pa pormal na hinihiling ng Comelec sa DILG ang isang linggong transition period.