Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA paniwalang hindi na uubra ang diplomasya para wakasan ang katampalasan sa West Philippine Sea, nanindigan ang ilang ranking leaders ng House of Representative sa plano ng administrasyon na sampahan na lang ng panibagong kaso laban sa bansang China.
Para kay Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Jil Bongalon, karapatan ng Pilipinas daanin sa demanda ang patuloy na agresyon at ilegal na aktibidad ng China sa maritime region na pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
“I guess we are already tired of the diplomatic approach asking China to stop this and stop that. So, I guess this is a positive development on the part of the administration to collect pieces of evidence so that we can file a case against China,” wika ni Bongalon sa isang pulong-balitaan sa Kamara.
“Ito po ay pagpapahayag na hindi po tayo papayag sa anuman pong pambu-bully na ginagawa po ng isang mighty country katulad naman po ng Tsina. So, I guess this is a positive development on the administration wherein they’re leading our country in making a more credible and more decisive step in asserting our rights in the WPS,” dugtong ni Bongalon bilang reaksyon sa pangangalap ng ebidensya ng National Security Council (NSC) para sa kasong binabalangkas ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General.
Ayon naman kay Deputy Majority Leader at PBA Partylist Rep. Migs Nograles, mahalagang magkaroon ng mga matibay na ebidensya at kalkuladong tugon ng gobyerno sa umiinit na sitwasyon sa pinag-aagawang teritoryo.
“Even with the arbitral ruling, alam naman po natin at ng buong mundo na we are on the right side and with this development before nga naman filing any cases you really need to have proof and a lot of pieces of evidence,” ani Nograles.
“Hindi naman pwedeng basta-basta at nakikita naman natin na we do not fight violence with violence. Itong mga pambubully na ginagawa sa atin we will defend ourselves pero sa tamang pamamaraan,” dugtong ng lady solon.
Sa panig ni Assistant Majority Leader at Manila 1st District Rep. Ernix Dionisio Jr., sinabi niyang “any evidence that will help our case against the bullying country ay makakatulong po sa ating paglalaban sa ating soberanya.”
Binanggit din ni Dionisio ang naging matibay na pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. partikular ang direktibang pagpapadala ng lahat ng assets ng bansa sa WPS, na aniya, ay isang matibay na mensahe – hindi umaatras ang Pilipinas sa anumang bullying tactics.
“Tuwang-tuwa lang ako kay Presidente at lahat ng moves ng mga iba’t-ibang ahensya ng ating pamahalaan is synchronizing all its efforts para labanan ang bullying galing sa ibang bansa,” pahabol ng kongresista ng Maynila.
