TANGGAL ang angas ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag matapos tapyasan ng Kamara ang hirit na intelligence funds ng ahensya.
Sa impormasyong ibinahagi ng House Appropriations Committee, tumataginting na P125 milyon ang kinaltas ng mga mambabatas na miyembro ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc).
Mula sa orihinal na panukalang P175-million, nauwi sa P50 milyon na lang ang intelligence fund ng NBI para sa susunod na taon.
Sa kabila ng pagbabawas sa pondo ng NBI, dinagdagan naman ng P30 milyon ang intelligence fund para sa Office of the Justice Secretary, habang P10 milyon naman inilipat sa National Coordination Center Against Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (NCC-OSAEC-CSEM).
Sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP) na binalangkas ng Department of Budget and Management (DBM), walang inilaang intelligence fund sa tanggapan ng Justice Secretary at maging sa NCC-OSAEC-CSEM na may tungkulin protektahan ang mga kabataan sa laban sa online abuse.
Samantala, binawasan din ng pondo ang Office of Cybercrime na nasa ilalim ng DOJ — mula sa hirit na P32.4 milyon, nauwi sa P18.2 milyon na lang sa bersyon ng BARSc.
Umabot naman sa P7.8 milyon ang budget ng Victim of Compensation Program ng DOJ mula sa P7.5 milyon sa NEP habang P16 milyon naman para AI powered Docket Management System ang Office of the Solicitor General (OSG).
