NI LILY REYES
HINDI pa kailangan umangkat ng asukal mula sa ibang bansa, ayon kay Sugar Regulatory Administration (SRA) chief Pablo Luis Azcona.
Sa isang panayam sa radyo, ibinida ni Azcona ang nasa 570 metriko toneladang stock ng “brown sugar.”
“Ito po ay sapat hanggang sa susunod na milling season with a two months buffer stock pa. Wala tayong problema sa supply ng raw o brown sugar,” paliwanag ng SRA administrator.
Bukod aniya sa “brown sugar,” meron din aniyang nakaimbak na “refined sugar na sa pagtataya ng opisyal ay humigit kumulang 300,000 tonelada.
Gayunpaman, inamin ni Azcona na tatagal lang ang stock ng refined sugar hanggang sa kalagitnaan ng Setyembre ng kasalukuyang taon, kung pagbabatayan ang 85,000 metriko toneladang konsumo ng asukal kada buwan.
Para solusyonan ang nakaambang kakulangan pagsapit ng huling tatlong buwan ng kasalukuyang taon, plano ng SRA chief na bumili ng 425 metric tons ng asukal sa mga karatig bansa.
