SA gitna ng mabigat na buhos ng ulan na sinabayan pa ng malakas na bugso ng hangin sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan, pinangunahan ng hepe ng pambansang pulisya ang paghahanda para tiyakin ang kaligtasan ng mgaa mamamayan laban sa banta ng bagyong Uwan.
Sa isang direktiba, inatasan ni acting Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr ang lahat ng regional at provincial directors na ikasa ang Risk Reduction Management Task Groups sa lahat ng antas ng organisasyon.
Aniya, malaking bentahe ang matibay na pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga lokal na pamahalaan, pambansang ahensya, at mga mamamayan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Ayon kay Nartatez, ang pagkakaisa, koordinasyon, at pagpapalakas ng kakayahan ng mga kapulisan at komunidad ay mahalaga para sa mabilis at epektibong pagtugon sa mga kalamidad. Pinatitibay rin niya ang panawagan sa PNP na makipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan para sa kaligtasan ng mamamayan.
Handa at Maagap
Ang mga tagubilin ni Chief Nartatez ay nakatuon sa iisang layunin: ang kahandaan. Inatasan niya ang bawat yunit na tiyaking ligtas ang kanilang mga tauhan at pamilya, maging handa ang mga gamit sa komunikasyon at pagsagip, at maihanda ang mga evacuation center kasama ang mga lokal na pamahalaan.
Pinatutukan din niya ang sapilitang pagpapalikas sa mga baybaying dagat, tabing-ilog, at mga lugar na madalas bahain o gumuho. Inutusan din niya ang mga pulis na pamunuan ang mga operasyon ng pagsagip at pamamahagi ng tulong sa mga apektado ng bagyo.
Tiniyak ng Chief PNP na bantay-sarado ng National Headquarters ang sitwasyon at handang magbigay ng karagdagang pwersa, kagamitan, at suporta kung kinakailangan.
Higit pa sa Mandato
Para kay Nartatez, ang tungkulin ng pulis ay hindi lamang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Bahagi rin aniya ng misyon ang pagsagip at paglilingkod sa mga mamamayan sa oras ng sakuna.
Binigyang-diin niya na ang mga pulis ay matagal nang nasa unahan ng pagtugon tuwing may kalamidad—tumutulong sa paglilikas, nagdadala ng ayuda, at nagbabantay sa seguridad ng mga nasalanta.
Aniya, ang malasakit, tapang, at kahandaan ng ating kapulisan ang tunay na simbolo ng makabuluhang serbisyo, lalo na sa mga panahong sinusubok ang tibay ng bawat Pilipino.
Tapat na Serbisyo
Sa pamumuno ni Nartatez, patuloy na isusulong ng PNP ang serbisyong may disiplina, tapang, at malasakit bilang patunay ng kanilang taos-pusong dedikasyon sa paglilingkod sa mamamayan.
Garantiya ng heneral, nakahanda na ang mga pulis sa buong bansa na tumugon kung saan sila kakailanganin—sa gitna ng mga komunidad, nagliligtas, at nag-aabot ng tulong sa mga nangangailangan.
Muling pinagtibay ni Nartatez ang paninindigan ng PNP sa pagkakaisa at kahandaan, at binigyang-diin na sa tulong ng mga lokal na pamahalaan, pambansang ahensya, at mga mamamayan, haharapin ng kapulisan ang anumang sakuna nang may tapang, disiplina, at pagkakaisa.
Tapat sa kanilang tungkulin, mananatiling handang maglingkod at magprotekta ang PNP para sa sambayanang Pilipino.
