PINALAWIG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang serbisyo ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. hanggang Marso 31, 2024 dahil sa matagumpay nitong pamumuno mula nang italaga noong Abril 2023.
“I wish to inform you that, pursuant to the provisions of existing laws, your service as Chief (Police General), Philippine National Police, is hereby extended until 31 March 2024,” ayon sa liham na pirmado ng Pangulo para kay Acorda.
Ipinaabot din ang balita kay Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr.
Ipinatupad ng Pangulo ang Executive Order No. 136, series of 1999, na kumikilala sa kapangyarihan ng Pangulo na aprubahan ang ekstensiyon ng serbisyo ng presidential appointees ng lagpas sa compulsory retirement age dahil sa magagandang pagpapatupad ng tungkulin.
Si Acorda ay miyembro ng Philippine Military Academy Sambisig Class of 1991.
Halos 37 taon na itong nanunungkulan sa PNP at dating director ng PNP Directorate for Intelligence bago naging PNP Chief.