HABANG papalapit ang halalan, padami ng padami ang populasyon sa mga piitan dahil sa patuloy ng pagdami ng inaresto ng pulisya kaugnay ng election gun ban.
Sa datos ng Philippine National Police (PNP), nasa 2,105 katao na ang kabuuang bilang ng mga nasa kalaboso mula nang sumipa ang mahigpit na implementasyon ng Comelec gun ban.
Pinakamarami ang natimbog sa Metro Manila — 693 katao. Nasa ikalawang pwesto naman ang Central Visayas na may 287 arrested persons, kasunod ang Calabarzon kung saan umabot sa 286 ang nakakulong matapos mahulihan ng baril.
Nasa 2,198 armas naman ang nakumpiska ng mga operatiba, kabilang ang 860 revolver, 615 pistol, 84 gun replica, 60 explosive, at 41 paltik.
Mananatili ang bisa ng election gun ban hanggang Hunyo 11. (EDWIN MORENO)
