NAGBUNGA na ang ilang buwan ng paninindigan ng Kamara para sa malaking pagbabago sa proseso ng pag-apruba sa panukalang national budget matapos simulan ang ‘open at livestream’ Bicameral Conference Committee (Bicam) para sa 2026 General Appropriations Bill (GAB).
“Sa atin pong mga kababayan, tinanggal na po ng inyong Kongreso ang tabing sa usaping budget. Ginawa po ng inyong Kongreso ang lahat para siguraduhin na ang budget ay transparent, malinis, at may sapat na safeguards para siguraduhin hindi ito maabuso,” pahayag ni House Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing ng kumakatawan sa unang distrito ng Nueva Ecija.
“Pinapangako po ng inyong Kongreso na ang budget para sa taong 2026 ay mararamdaman ng bawat Pilipino, na ito ay tunay na tumutugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan at ng ating bansa—na ito ay isang budget na inyong mapagkakatiwalaan,” dugtong the kongresista.
Ayon kay Suansing, ang pagbubukas sa publiko ng Bicam proceedings ay patunay sa adhikain ng Kamara na magkaroon ng transparency, accountability, at public participation sa buong proseso ng pagpasa sa proposed national budget.
“Ang makasaysayang araw na ito—ang pinaka unang araw sa kasaysayan na bubuksan sa publiko ang bicam—ay sumasalamin po sa paninindigan ng Kongreso na tanggalin ang tabing sa usaping budget at ipakita kung saan napupunta ang bawat piso ng buwis na mula sa dugo at pawis ng bawat Pilipino,” paglalahad ng lady House panel head.
“This is the actualization of the House’s commitment since August, even before the budget deliberations started, to open and live-stream the Bicameral Conference Committee proceedings,” sambit pa niya.
“We are here not only to reconcile disagreeing provisions of the 2026 budget, but to continue structural reforms that place transparency at the center of how public funds are allocated.” (ROMER BUTUYAN)
