SA bisa ng mga isinusulong na “pro-labor agenda,” muling nanindigan si House Speaker Faustino Dy III na patuloy magiging matatag na kakampi ng mga manggagawa ang Kamara.
“Gusto ko pong sabihin ito nang malinaw: the House of Representatives is your partner. Ang Kapulungan po ninyo ay bukas palagi para sa inyo,” pahayag ni Dy sa binigkas na talumpati kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).
“Our doors are always open for you, dahil ang lakas ng ating inang bayan ay nakaugat sa lakas ng manggagawa,” dugtong ng Isabela province solon.
Ayon kay Dy, ang naturang pangako ay nag-ugat pa sa pagkilala ng Kongreso sa malaking papel na ginagampanan ng sektor ng manggagawa sa pagpapaunlad ng bansa.
Tinukoy ng lider ng Kamara ang ilan sa mga panukalang batas na pinagtibay sa committee level na pumapabor sa mga manggagawa, partikular ang anti-discrimination bill para sa mga kababaihan sa lugar ng paggawa o workplace; pagbuo sa barangay-level workers’ registries para mapabuti ang job matching and skills training; at ang modernization ng National Registry of Workers.
Binigyan-diin din ni Dy na ang institutionalization o pagiging isang regular na programa ng pamahalaan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE), ay malaking tulong para mabigyan ng proteksyon at tulong na muling magkaroon ng hanapbuhay ang mga manggagawang nawalang ng trabaho gayundin ang iba pang nangangailangan matustusan ang kanilang pang-araw araw na gastusin.
Bukod dito, sinabi ng pinuno ng Kapulungan ng mga Kinatawan na maging ang hanay ng freelancers at online workers ay nabigyan ng ibayong pansin sa pamamagitan ng pagsusulong ng panukalang para sa minimum wage system sa kanilang hanay — bukod pa sa congressional support para sa ratipikasyon ng International Labour Organization (ILO) Convention 188 para naman sa proteksyon ng mga mangingisdang Pilipino.
“Taken together, these reforms reflect a clear direction, we move because workers deserve more. The House of Representatives is and will always be a partner of the working class. Hindi po ito slogan; ito ay pangako,” aniya pa.
“Hindi kami magsasara ng pinto. Hindi kami magsasara ng isip. Hindi kami magsasara ng puso. Asahan po ninyo: habang ako ang Speaker, tutuloy ang laban para sa mas makatao, makatarungan, at makabagong polisiya para sa manggagawang Pilipino.” (ROMER R. BUTUYAN)
