NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“ANG pondo para sa kalusugan, gamitin para sa kalusugan,” wika ng ni Cong. Manoy Wilbert “Wise” Lee ng AGRI partylist kasabay ng pagkilala sa Korte Suprema sa ipinamalas na paninindigan sa likod ng pinalabas na Temporary Restraining Order (TRO) sa paglipat ng excess fund ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa National Treasury.
“Natutuwa po tayo sa desisyon na ito ng Korte Suprema na pagpapahinto sa paglipat ng pondo ng PhilHealth. Mula nga po nang na-expose natin yung sobra-sobrang pondo ng PhilHealth noong nakaraang taon pa, paulit-ulit tayong nangalampag, at ipinaglaban nating gamitin ang pondo para agarang tugunan ang kulang-kulang na serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino,” pahayag pa ni Lee, na kasalukuyan ding pinamumunuan ang relief efforts sa Bicol at iba pang lugar na apektado ng pagragasa ni bagyong Kristine.
“Naninindigan po tayo na ang pondo para sa kalusugan ay hindi dapat gamitin sa mga programang hindi kasing halaga ng kalusugan ng mga Pilipino, o yung wala namang mamamatay kung hindi gagawin,” diin ni Lee.
Giit ng Bicolano lawmaker, “imbes na sa PhilHealth bumawas ng pondo, kunin na lang sa iba pang GOCCs na may excess funds at hindi bahagi ng mandato ang social services.”
Aniya, “dapat unahin ang dagdag na mga benepisyo mula sa PhilHealth. Kapag may sobra pa, pwedeng i-suspend o babaan ang contribution ng mga ordinaryong empleyado.”
Kumbinsido rin ang kongresista na kayang-kaya ng PhilHealth tuparin ang pangakong itaas ang antas ng serbisyong pangkalusugan lalo pa’t bilyones ang pondo ng naturang ahensya.
“Walang dahilan ang Department of Health (DOH) at PhilHealth na hindi tuparin ang mga itinulak natin at napagkasunduan pagpapalawak ng benepisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino.”
Partikular na tinukoy ni Lee ang pagkakaloob ng libreng diagnostic tests, gaya ng Positron Emission Tomography (PET) scan, Computed Tomography (CT) scan at Magnetic Resonance Imaging (MRI), bilang bahagi ng outpatient services pagsapit ng December 31, 2024.
Gayundin ang hanggang 80% coverage para sa cancer treatments tulad ng chemotherapy at paggagamot sa sakit sa puso; ang 50% across-the-board PhilHealth benefit increases at libreng pediatrics at adult prescription glasses.
