TALIWAS sa ipinamalas na tikas sa Kamara, nagmukhang tyopeng panabong si Police Colonel Jovie Espenido matapos hayagang aminin sa Senate blue ribbon committee na tsismis lang ang basehan sa pagkakadawit ni Senador Bong Go sa reward system na di umano’y kaakibat ng giyera kontra droga sa nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Espenido na binansagang berdugo sa hanay ng pulisya, walang siyang pinanghahawakan nang kaladkarin ang pangalan ng senador sa testimonyang inihayag sa quad committee ng Kamara.
Sa tanong ni Go kung nagsisinungaling si Espenido, mabilis na tumugon ang koronel — “Your Honor, Mr. Chair… Napakinggan ko lang yun kay [Clarin, Misamis Occidental] Mayor [David] Navarro.”
Agad naman sinundot ni Go ng tanong si Espenido — “Hearsay po ito? Hearsay?”
“Yes, Mr. Chair,” sagot ni Espenido.
Oktubre 2019 nang paslangin si Navarro habang sakay ng police patrol vehicle patungo sa Cebu City Prosecutor’s Office para sa paghahain ng kasong isinampa ng isang masahistang di umano’y sinaktan ng alkalde.
