
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA dami ng nasagasaan at nayanig sa mga nabunyag sa pagdinig ng Kamara, hindi na ikinagulat ng pamunuan ng quad committee ang pagsulpot ng troll farms na di umano’y pinopondohan ng sindikato sa likod ng illegal POGO at kalakalan ng droga sa bansa.
Sa pambungad na mensahe sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad comm, walang takot na binatikos ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang aniya’y kinasang demolition job na naglalayong wasakin ang imahe ng Kamara at dungisan ang integridad ng imbestigasyon ng joint congressional probe.
“Patuloy ang paninira ng mga trolls na bayad ng POGO at drug money, sa mga miyembro at mga taong tumetestigo rito,” wika ni Barbers.
“Katakataka na napakalaki ng puhunan na umiikot sa mga trolls na halatang inaalagaan ng mga nasasaktan sa mga bagay na nauungkat sa mga pagdinig natin dito, kabilang na marahil ang mga malalaking pangalan na nagpoprotekta sa mga iligal na droga at POGO,” dagdag ng Mindanaoan solon.
“Pilit pong sinisira ang imahe ng ating Quad Comm na walang ibang layunin kundi ipalabas lamang ang katotohanan… kung kaya hinihikayat namin ang ating mga kababayan na humarap, magsalita at magbigay ng kanilang impormasyon na may kinalaman sa usaping tinatalakay namin dito,” panawagan ng kongresista.
Sa pagdinig ng Quad Comm, natumbok nito ang ugnayan sa pagitan ng illegal drug syndicates at POGO operations, kung saan aniya ginagamit ang drug money para sa pag mamantine ng gaming businesses.
“The money flow from this drug trade is being used to acquire landholdings, influence and corrupt government officials and employees who conspire with drug traders in offering protection and fake identities, that undermine the security of our country,” ayon kay Barbers.
“We were shown how the money was being laundered into the POGOs and used to fatten the wallets and pockets of the protectors in government,” sabi pa niya.
Ikinasa na rin sa Kamara ang legislative measures bilang tugon sa mga butas sa batas na sinasamantala o napaiikutan ng mga sindikato para maitago at ipagpatuloy ang ilegal na negosyo.
Kabilang dito ang pagkansela sa birth registration sa birth certificate inisyu sa mga dayuhan, pagkumpiska sa mga ari-arian na binili ng mga non-Filipinos, at ang pagpapatupad ng nationwide ban sa POGO.
Para kay Barbers, lubhang mahalaga maisabatas ang panukala para wakasan ang malawak na ugnayan ng katiwalian at kriminalidad.
Sa kabila ng mga pag-atake, tiniyak ni Barbers na magiging matatag ang kanilang komite sa paglalantad ng katotohanan, tukuyin at pananagutin ang mga nagkasala at makapagbalangkas ng mga panukalang batas para wakasan ang organized crime activities.
“Napakarami na pong nakita at nadiskubre dito sa Quad Comm hearings. Sa kabila nito, pilit itong binabatikos at minamaliit ng mga natatamaan. Subalit nais naming kayong garantyahan na habang kami ay pinipilit na sirain, kami po ay hindi titigil sa pag-ungkat ng mga bagay upang makita at maisiwalat ang buong katotohanan,” pahabol ni Barbers.