
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
DAHIL sa kabiguan tuparin ang pangakong dekalidad na healthcare system sa bansa, tahasang hinamon ni AGRI partylist Rep. Manoy Wilbert “Wise” Lee si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na magbitiw sa puwesto.
“Malinaw na ang DOH, bilang tagapamuno ng Benefits Committee ng PhilHealth, ang dapat na manguna sa pagpapatupad ng kasunduang ito. Kung walang balak si Sec. Herbosa na tumupad dito, ngayon pa lang ay magbitiw na siya sa puwesto. Dahil kung wala silang isang salita, ako mismo, kasama ang sambayanan ay maniningil sa pagpapaasa na naman sa milyon-milyong Pilipino,” pahayag ni Lee.
Kabilang sa sinisingil ni Lee sa kalihim ay ang pangako ni Herboso na magsusumite bago matapos ang buwan ng Oktubre ng detalyado at komprehensibong plano na may timeline para mabawasan ang out-of-pocket o personal na gastos ng mga mamamayan sa pagpapagamot.
Maging ang pangako ni Herbosa na magpatupad ng 50% across-the-board PhilHealth benefits increase, na dapat ay sinimulang ipatupad ngayong buwan ng Nobyembre ay wala pa rin ani Lee.
“The document with commitments signed by Health Secretary Herbosa and PhilHealth Chief Ledesma is not only for their ministerial duties, but also for their genuine compliance to the Congress as an institution, and ultimately to the Filipino people who deserve a better healthcare system,” giit ng Bicolono solon.
“Sec. Herbosa has intentionally misled the Filipino people into believing that he will fulfill the commitments made by the DOH during the budget deliberations,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Lee na makailang beses na siyang nagpadala ng follow-up letter kay Herbosa, na opisyal namang tinanggap ng Office of the Secretary. Wala rin aniyang tugon kahit tawagan sa telepono.
“Nasaan na ang propesyunalismo at respeto sa Kongreso, kung sa mga sulat ukol sa kasunduang pinirmahan niya habang nasa budget deliberations at nasa records ng Kongreso ay di man lang sumagot?,” dismayadong pahayag ng mambabatas.
“May polisiya ang gobyerno na nagsasabing dapat makatugon ang mga ahensya at opisina ng gobyerno sa mga sulat. Kung nagagawa ni Sec. Herbosa na balewalain ang Kongreso, ano pang aasahan natin sa kanyang liderato?”
Paalala ni Lee – “Habang pinatatagal ang pagtupad sa mga dagdag na benepisyong pangkalusugan, nadadagdagan ang bilang ng mga Pilipinong patuloy na nagdurusa at nagtitiis sa mga tingi-tinging serbisyo. Kung hindi ito kayang maipatupad, dapat nang maghanap ng karapat-dapat at epektibong pinuno ng DOH.”
“Ang gamot at pagpapagamot ng Pilipino, dapat sagot na ng gobyerno. Hindi natin ito makakamit kung ang mismong Kalihim ng Kalusugan ay bingi at manhid sa pangangailangang pangkalusugan ng mamamayan. Hindi na siya dapat pang manatili sa puwesto kung pinapaasa at niloloko lang niya ang mga Pilipino.”