Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MAHABA-HABANG bakasyon sa likod ng rehas ang mungkahi ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo mga tinaguriang siga ng lansangan – bukod pa sa malaking multa sa mapapatunayan nagkasala.
Sa pagtalakay ng Committee on Transportation na pinamumunuan ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop sa House Bill 8991 (Anti-Road Rage Act), partikular na isinulong ni Tulfo at mga kasamahan sa ACT-CIS partylist group patawan ng hanggang 12 taon sentensya sa loob ng piitan at multang aabot sa P500,000 sa sinumang mapapatunayan nagkasala ng walang bahid alinlangan sa paglabag ng nasabing panukalang batas.
Bukod kay Tulfo, kabilang rin sa nag-akda ng HB 8991 sina ACT-CIS partylist Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo at dalawang iba pang mambabatas na sina Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo.
“We will not condone road rage in our streets,” ani Tulfo sa kanyang sponsorship speech sa pagdinig ng komite nitong Miyerkules.
“We are all aware that the consequences of road rage are dire, often resulting in altercations, property damages, assaults, and collisions that cause physical injuries, even death” dagdag pa niya.
Batay sa datos ng Metro Manila Development Authority (MMDA), lumalabas aniya na malaking bahagi ng 72,000 aksidente sa mga lansangan ng Metro Manila noong 2022 ay may kaugnayan sa road rage.
“Despite all these, there is no existing legislation that imposes penalties on those who
exhibit road rage,” ani Tulfo.
Samantala, sinuportahan din ni Davao de Oro 2nd District Rep. Ruwel Peter Gonzaga, na naghain din ng isang kahalintulad na panukala, kasabay ng hiling na i-consolidate ang House bills kaugnay ng road rage.
“Walang klarong batas po doon sa road rage, kaya ang daming nangyari. So yun lang po ang diperensya namin (sa panukalang batas ni Rep. Tulfo) sa degree, bracketing of the degree as to imprisonment of penalty po,” pahayag ni Gonzaga.
Sa House Bill 9140 ni Gonzaga, reclusion temporal (katumbas ng 20-taong sentensya) ang rekomendasyon ng nasabing kongresista sa mga insidenteng namatay ang biktima.
Ang tatlong iba pang House Bill kaugnay ng road rage ay inihain nina San Jose del Monte, Bulacan Rep. Florida Robes, Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael Vargas, at Iloilo City Rep. Julienne Baronda.
Matapos tanggapin ng komite ang lahat ng opinyon ng lahat ng mga ahensya ng pamahalaan at private sector, agad na inirefer ni Acop ang lahat ng limang panukalang batas sa Technical Working Group (TWG) para sa consolidation ng lahat ng mga panukalang batas.
