AKTIBONG nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng Kamara sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para tiyakin may tulong na darating sa mga komunidad na apektado ng pagbaha dulot ng mga bagyo at habagat.
Ayon kay Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin, hangad ni House Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Sandro Marcos na agarang makarating ang tulong sa mga naapektuhan ng sunod-sunod na bagyong tumama sa bansa.
“For the past several days, hindi lang po ngayon, tuloy-tuloy ang coordination ni Speaker Bojie Dy at ni Majority Leader Sandro Marcos. Kaakibat ng oversight powers ng Kongreso ay nakikipag-ugnayan sila sa ilang ahensya — yung Office of Civil Defense at lalong-lalo na sa Department of Social Welfare and Development at ang Department of Health,” wika ng ranking lady House official.
Tinukoy naman ni Garin ang matagumpay na hakbang ng DSWD sa isinagawang pre-positioning ng mga suplay tulad ng food packs at iba pang relief items, mula sa regional offices pababa sa municipal level.
“Talagang maganda na ang kanilang pre-positioning sa regional offices, yung kanilang mga food packs, hygiene kits at family kits. Pero ito ay naka-lodge na sa maraming mga bayan-bayan,” anang Iloilo lawmaker.
“Kaya nga ngayon nakikita natin immediately after humupa yung ulan maski mga baha pa patuloy ang pag-distribute ng food packs lalong-lalo na sa evacuation centers,” dagdag niya.
Ani Garin, mino-monitor din nina Dy at Marcos ang pamamahagi ng tulong at mga naging pagtugon ng iba’t-ibang government agencies upang maging basehan sa funding adjustments na maaaring gawin para sa pagbalangkas ng national budget para sa susunod na taon kung kinakailangan.
Inihalimbawa ng mambabatas ang naging inisyatiba ng top House leaders na pag-atas sa Department of Health (DOH) na magsagawa rin ng pre-positioning ng mahahalagang gamot gaya ng doxycycline at water purification tablets sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng kalamidad.
Samantala, hinimok ni Garin ang mga mamamayan na tumungo sa health center na malapit sa kanila para libreng gamot habang maaari rin silang dumulog sa Kamara para masigurong ang kanilang komunidad ay may sapat na suplay at nakakatanggap ng suporta mula sa DOH.
